MGA LIHAM PARA SA KORTE SUPREMA, PINAAAKSYUNAN

MINSAN ay nadismaya itong si Supreme Court (SC) Chief Justice ­Alex­ander Gesmundo dahil sa natuklasan nitong mga liham na dinala ng koreo sa SC na hindi kaagad nabigyang pansin ng mga opisyal ng mga kinauukulang dibisyon o ng mga tanggapan ng SC.

Nangyari ang pagkadismaya ng punong mahistrado noong mag-ikot-ikot ito isang hapon sa buong gusali ng Korte Suprema, ito’y para kumustahin ang kanyang mga nasasakupan o mga empleyado ng hudikatura.

Subalit sa halip na magalak ito sa kanyang ­pangungumusta ay pagkadismaya ang kanyang naramdaman makaraang mapansin nito ang nakatambak na mga koreo o sulat sa isang lugar na mistulang ‘di binibigyang pansin ng kinauukulang mga opisyal ng SC.

Kung kaya’t kaagad nitong tinawag ang pansin ng kinauukulang mga opisyal ng mga tanggapan ng SC upang kaagad nilang bigyang aksyon ang mga nilalaman o concerned ng mga lumiham sa Korte Suprema.

Inusisa rin ng punong mahistrado kung bakit ­ma­rami sa mga naturang koreo ay ilang buwan na palang nakabimbin lamang sa korehidor ng SC nang ‘di man lang nabigyang pansin.

Inunawa na lamang ni CJ Gesmundo ang sitwasyon dahil na rin sa pagtama ng COVID-19 sa bansa, at hindi rin 100% ang pasok ng mga empleyado ng hudikatura nitong mga nakalipas na buwan partikular noong buwan ng October kung kailan nag-usisa ito.

Kalakaran na kasi sa hudikatura na kapag mayroong naupong bagong mahistrado ay nag-uusisa ito sa kanyang mga nasasakupan upang malaman kung nagagampanan ba nang maayos ng mga ito ang kani-kanilang tungkulin.

Kaugnay nito’y sinabi ni CJ Gesmundo na nais niyang maging huwaran ang mga tanggapan ng SC upang maging mabuting halimbawa ito ng nasa lower courts.

Matatandaang si dating SC CJ Diosdado Peralta, nang mamuno ito sa hudikatura ay mayroon itong ginagawang biglaang pagbisita sa mga hukuman sa bansa kung saan marami itong napapansin na kailangan na maisaayos gaya na lamang ng tamang kasuotan ng judges kapag nagsasagawa ito ng pagdinig ng mga kaso na nakasampa sa kanilang sangay.

Ito’y bukod pa sa mga hukom na late kung pumasok sa kanilang Sangay o Branch kung saan ang mga ito’y napagsasabihan ni CJ Peralta at pinagpapaliwanag din ang mga ito sa pamamagitan ng pagsulat sa office of the court administrator.

Samantala, sa kasalukuyan ay naging maayos naman ang pamunuan ng hudikatura sa pangunguna ni CJ Alexander Gesmundo.

263

Related posts

Leave a Comment