MGA NANAY SANGKOT NA RIN SA TALAMAK NA ONLINE SEX

SOBRA-SOBRA na ang ­pagiging kapit sa patalim ­ngayon ng maraming Pinoy lalo na ang mga ina ng tahanan dahil sa kahirapan na dulot ng mahigit sa isang taon nang pandemya ng COVID-19.

Nakatanggap ng imporma­syon ang PUNA na dumarami ngayon ang online sex na kinasasangkutan ng mga kababaihan para lang may pangkain ang kanilang pamilya.

Nakalulungkot isipin na marami sa mga ina ng tahanan ngayon na medyo bata pa ang nakikipag-chat sa mga dayuhan sa ibang bansa kapalit ang pera.

Wala naman magawa ang kanilang mga asawang lalaki kundi lunukin na lamang ang ginagawang pakikipag-chat ng kanilang mga misis sa mga dayuhan kesa naman magutom ang kanilang pamilya.

Patuloy kasi ang pagdami ng mga nawalan ng trabaho bunga ng pandemya.

Kaya napipilitan na lamang kumapit sa patalim ang bawat pamilya tulad ng pakikipag-chat ng mga asawang kababaihan sa mga lalaking dayuhan kapalit ang dolyar na ipadadala sa kanila.

Dati-rati ang madalas nating nababalitaan ay ang online sexual abuse and exploitation sa mga kabataan ngayon pati na ang kanilang mga ina.

Lahat na ng mga kababaihan na miyembro ng kanilang pamilya ay na-engganyo na pala na ­makipag-chat sa mga dayuhan para lamang magkapera.

Kaya sinabi ni Atty. Alberto Muyot, Chief Executive Officer ng Save the Children Philippines, ang kasalukuyang pandemya ay hindi lamang health crisis kundi child rights crisis din na kailangang maresolba.

Base sa nakuhang data ng PUNA, ang mga kaso ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) sa Pilipinas ay tumaas ng 264.6% o 202,605 mahigit ang reports sa panahon ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula noong Marso hanggang Mayo 2020.

Kung ikukumpara sa 76,561 mga kaso sa parehong panahon noong 2019, ayon sa Department of Justice (DOJ) na tinukoy sa data mula US-based National Centre for Missing and Exploited Children (NCMEC).

Hindi pa kasama riyan ang mga kaso ngayong taon na mas lalo pang lumala ang online sex na pati na mismo ang mga ina ng tahanan ang gumagawa na nito na may pahintulot pa ng kani-kanilang mga asawang lalaki.

Pangunahing dahilan kaya pinasok ng mga nanay ang ­pakikipag-chat sa mga dayuhan ay upang maibsan ang kanilang kahirapan na dinaranas ngayon.

Nakalulungkot isipin nitong nakaraang Linggo ay ipinagdiwang natin ang selebrasyon ng Mother’s Day, subalit ngayon ay nakatanggap ang PUNA ng impormasyon na kumakapit na sa patalim ang ilang ina ng tahanan.

Hindi kasi sapat ang dalawang beses na ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) fund para matugunan ang kahirapan ngayon ng mga Pinoy.

Lalo pa ngayong taon na mas lalo pang lumalala ang problema ng COVID-19 pandemic.

Marami rin sa mga ­ordinaryong mamamayan ang hindi nakatanggap ng SAP.

Magkaroon man sila ay relief goods lamang mula sa kanilang mga lokal na pamahalaan na hindi sapat para maka-survive sila sa loob ng mahigit sa isang taon na COVID-19 pandemic.

Kaya gumawa na lang sila ng paraan para mabuhay nila ang kanilang mga anak.

Kaya naman ang ama ng tahanan ay pikit mata na lamang na tinatanggap ang ginagawa ng kanyang asawa na nakikipag-chat sa ibang lalaki para lamang magkaroon sila ng pang-araw-araw na panggastos at pangkain ng kanilang pamilya.

Kung gusto talaga malaman ng gobyerno kung totoo ang ating sinasabi i-monitor nila ang bawat tahanan ngayon kung sinong madalas tumanggap ng pera mula sa remittance center nagmumula sa ibang bansa na wala namang kamag-anak sa abroad na nagbibigay sa kanila ng pera.

Sinong dayuhang lalaki na magbibigay ng pera sa isang babae mula sa Pilipinas na walang kapalit?

Paano ngayon mareresolba ang problema ng OSAEC na pati mismo ang kanilang mga ina ay may kagustuhan nito?

Kaya ang Save the Children Philippines ay nanawagan na sa Malacañang na palakasin ang kampanya laban sa OSAEC sa pamamagitan ng pagmomonitor ng mahigpit na implementasyon ng Republic Act 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.

Malinaw po na ang dahilan kaya pumapasok sa ganitong gawain ang mga ina ng tahanan ay dahil sa kanilang nararanasan na kahirapan.

Ayuda ang kailangan ng bawat pamilya mula sa pamahalaan para makaiwas sila sa mga ganitong klaseng gawain na kahiya-hiya.

Ngayon pinag-iisipan na ng gobyerno ang Bayanihan 3 na planong bigyan ng tig-2,000 bawat Pinoy.

Kung hindi naman ito maiimplementa ng maayos tulad ng Bayanihan 1 & 2 ay magiging daan lamang ito para sa korapsyon.

Ang suhestiyon ng PUNA para maibigay ng maayos ang perang ito mula sa Bayanihan 3, mismo ang mga tauhan na ng barangay ang mag-ikot sa kani-kanilang mga nasasakupan para ibigay sa bawat tao at walang ­pipiliin ang nasabing ayuda.

Magtulungan po tayo para maibsan ang hirap na dinaranas natin mula sa COVID-19 pandemic.

Marami pong salamat sa mga gumagawa ng community pantry malaking tulong po ito sa ating mga kababayan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

336

Related posts

Leave a Comment