Mga Pinoy na sundalong Olympian (Part 2)

KAWIKAAN na ang pangako ay ‘di dapat mapako kung kaya narito ang pangako ng SALA SA INIT… na karugtong ng kolum ko noong nakaraang linggo kung kailan pinangaralan ng SAKSI NGAYON ang 52 atletang Filipino, na bukod sa pagbibigay ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng sports ay nagbuwis din ng buhay noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig.

Nabanggit sa nakaraang kolum noong Lunes (Abril 12) ang pangalan ni swimmer Teofilo Yldefonso, ang kaisa-isang atletang Pinoy na nakapag-uwi ng dalawang Olympic bronze medal noong 1928 at 1932 edisyon ng Olimpiyada, na nasawi sa kasumpa-sumpang Capas Concentration Camp sa Tarlac kasama ang libo-libong mga sundalong Filipino at Amerikano, at Philippine Scouts matapos manindigan laban sa mga mananakop na Hapones na pinag-martsa sila mula sa Bataan.

Nabanggit din sa kolum na maliban sa parangal na ginanap noong Hulyo 17, 1951 ng Philippine Amateur Athletic Federation (PAAF) sa pangnguna ng pangulo nitong si Jorge Vargas, Lolo ng nagbitiw na pangulo rin ng Philippine Olympic Committee, wala nang mga sumunod na paggunita sa kanila ang Philippine Sports Commission at POC sa sumunod na 70 taon. At iisa ang nakikitang dahilan ng kolumnistang ito kung bakit?

Lahat ng mga lider natin sa sports na pumalit sa matandang Vargas at mga kasama ay mga IGNORA­MUS o walang kaalam-alam kung bakit sila nasa posisyon ngayon. May tawag si dating national athletic coach Tatang de Vega, ama ni Asian Sprint Queen Lydia de Vega, sa mga ganoon – HUNGHANG!

Kahit na noong nakaraang Abril 9, kung kailan ginunita ng bansa ang Araw ng Kagitingan, wala ring nabanggit kahit isang linya man lamang ang ating mga opisyal sa sports tungkol sa kabayanihan ng mga atleta-sundalong nagbuwis ng kanilang buhay para sa pagtatanggol sa bayan.

Kung sabagay, ang layon ng kolum ko ngayon ay gunitain ang kabayanihan ng ating mga atleta-sundalo.
Kasama ng ipinagmamalaki ng Piddig, Ilocos Norte noong taong iyon sa L.A. Games sina boxer Jose “Cely” Villanueva at high jumper Simeon ­Toribio, na kapwa nagsipag-uwi ng medalyang tanso.

Si Yldefonso ay apat na beses na gold ­medalist sa kanyang paboritong event sa ­tagapanguna (precursor) ng Asian Games na Far Eastern Games.

Tatlo sa mga pinangaralan ng matandang Vargas at ng PAAF noong 1951 sina Olympian Jacinto “Jumping Jack” Ciria Cruz ng basketball at Virgilio Lobregat ng football, na kapwa napabilang sa Most Outstanding Filipino Athletes of Half-A-Century.

Maliban kina Yldefonso at Ciria Cruz, miyembro ng 1936 Olympic basketball team na panglima sa Berlin, ay isa pang bronze medalist na si Miguel White na pumangatlo sa paborito niyang event na 400-meter hurdles.

Si Ciria Cruz ay pinaslang ng mga mananakop na Hapones habang gumaganap ng underground works sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang iba pang Olympian sa listahan ay sina: ­Amador Obordo na teammate ni Ciria Cruz sa ­Berlin, Lt. Nemesio de Guzman (athletics), Lt. ­Otoniel Gonzaga (shooting), Lt. Simplicio de ­Castro ­(boxing), at Lt. Enrique Jurado at ­Abduraman Ali (swimming). (Abangan ang karugtong)

538

Related posts

Leave a Comment