DISMAYADO ang isang mambabatas sa Kamara sa Office of the Ombudsman matapos absuweltuhin ang mga pulis na nasa likod ng umano’y secret cell sa Tondo, Manila na natuklasan ng Commission on Human Rights (CHR) noong 2017.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, isang panibagong kaso ng “impunity” ang pag-absuwelto ni Deputy Ombudsman Cyril Ramos sa mga pulis sa likod ng secret cell.
“Deputy Ombudsman Cyril Ramos clearly ignored the video showing how torturous the prison cell was. Wala bang malicious intent, walang bad faith iyong isiksik mo ang mga nahuli mo sa isang napakasikip na preso, kung saan doon mo rin sila pinaiihi at pinadudumi, wala silang ilaw, walang sapat na bentilasyon?,” tanong ni Gaite.
Magugunita na natuklasan ng CHR Manila ang secret cell sa Raxabago Police Station 1 kung saan nakakulong ang may 12 katao na pawang sangkot umano sa ilegal na droga na naging dahilan para magsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso.
Hindi pa naglalabas ng committee report ang Kamara sa resulta ng kanilang imbestigasyon at kahapon ay tuluyang inabsuwelto ni Ramos ang mga sangkot na pulis dahil wala pang matibay na ebidensya na nagpapatunay na ‘bad faith’ ang ginawa ng mga ito sa mga preso.
“This cell isn’t fit for any living being much less for humans. Talagang inhumane, it is really torturous,” giit ni Gaite subalit hindi ito ikinonsidera ni Ramos kaya dapat umanong irebyu ang kaniyang desisyon.
Ang ganitong pagpapalusot aniya sa mga paglabag sa karapatang pantao ang talagang nagpapalakas sa loob ng mga otoridad na ipagpatuloy ang hindi makatarungang gawain.
“Dapat tuldukan na itong laganap na paglabag sa karapatang pantao ng rehimen at magsisimula yan kung mapaparusahan ang mga dapat maparusahan. Nakikiusap tayo sa Office of the Ombudsman na tumindig sa tama, tumindig para sa karapatang pantao, at panagutin ang mga dapat managot,” hamon pa ng mambabatas.
Nabatid na ipinagharap ng kasong arbitrary detention, grave abuse of authority at maraming iba pa ang mga pulis sa nasabing presinto na kinabibilangan nina Police Supt. Robert Casimiro Domingo, Police Officer 2 Dylan Verdan, Police Officer 1 Beverly Apolonio at iba pang “John Does.” (BERNARD TAGUINOD)
295
