(JOCELYN DOMENDEN)
PINAYUHAN ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga residente na magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay kasunod ng paglala ng kalidad ng hangin sa lungsod.
Sa abiso ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department, patuloy na minomonitor ang sitwasyon matapos maitala sa ilang air quality sensors ang antas na “Unhealthy for Sensitive Groups.”
Ibig sabihin, may banta ito sa kalusugan, lalo na sa mga bata, senior citizens, buntis, at mga may sakit sa baga at puso.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na iwasan ang matagal na pananatili sa labas kung hindi kinakailangan at ugaliing magsuot ng face mask bilang proteksyon laban sa maruming hangin.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon upang masiguro ang kaligtasan ng bawat Manileño.
Samantala, nagsasagawa ang Environmental Management Bureau–National Capital Region (EMB-NCR) ng rapid on-site validation at aerial assessments gamit ang drone upang matukoy ang mga lugar na apektado ng sunog sa Navotas Sanitary Landfill.
Ayon sa EMB-NCR, maglalabas sila ng listahan ng mga apektadong barangay sa sandaling makumpleto ang drone validation.
Pinaalalahanan din ang publiko na manatili sa loob ng bahay, magsuspinde ng outdoor activities, at magsuot ng N95 mask kung kinakailangan, lalo na para sa mga bata, matatanda, buntis, at mga may sakit sa baga o puso.
Batay sa ulat, dineklara na ng Bureau of Fire Protection na “fire under control” ang sunog na nagsimula noong Biyernes ng gabi.
(May dagdag na ulat si PAOLO SANTOS)
68 