TINIYAK ng mga senador na dadaan pa rin sa masusi nilang pagbusisi ang panukalang 2021 national budget kahit na gipit na sila sa oras dahil sa mga kaganapan sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Batay sa proseso, hindi maaaring talakayin ng Senado sa plenaryo ang panukalang budget hangga’t hindi naisusumite sa kanila ang aprubadong bersyon ng Kamara.
Dahil sa maagang suspensyon ng sesyon sa Kamara, posibleng sa Nobyembre 16 o sa pagbabalik sesyon pa, maipasa ng mga kongresista sa 3rd and final reading ang panukalang budget na dapat sana ay simula na ng plenary debates sa Senado.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara, may mga proseso sa Senado na hindi nila maaaring iklian kasabay ng pagtiyak na magiging transparent pa rin ang panukalang budget, anoman ang mangyari.
“There are some things in the Senate which cannot be shortened. The process of interpellations and amendments, I think sagrado ‘yan sa Senado eh kasi ‘yan ‘yung talagang mina-manifest ng senators ang mandate nila as national official and it’s a very important duty na we have to perform,” paliwanag ni Angara.
Sa panig naman ni Senador Ping Lacson, kumbinsido ito na kung sa Nobyembre pa maibibigay sa kanila ng Kamara ang panukalang pambansang pagpopondo ay magiging reenacted na ang budget sa unang bahagi ng taon.
“Kasi sa schedule na susundin nila ngayon, dahil ang pronouncement ni Speaker Alan Peter Cayetano, ang last day ng submission ng amendments, Nov. 5. So pag Nov. 5 ang last day ng submission ng amendments nila, good as reenacted na ang budget natin.
There’s no way for the Senate na matapos ang budget, and even Malacanang na ma-approve ang budget before the year ends,” pahayag ni Lacson.
“One thing we can assure, hindi namin mamadaliin to sacrifice ang pag-scrutinize namin. Anyway, maski anong magic gawin namin, siguradong reenacted na ang budget, di na kaya i-approve. So why not gamitin na lang ang time talaga nang sa ganoon mapag-ralan nang husto ang budget?” dagdag pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)
