MALAMIG sina Senador Francis Escudero at Senador Robin Padilla sa panukalang iakyat sa United Nations General Assembly ang laban ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ipinaliwanag ni Escudero na para sa kanya mas binding at persuasive o mas may bisa o nakakahikayat ang arbitral ruling ng The Hague kumpara sa isang resolusyon mula sa UN General Assembly.
Idinagdag pa ni Escudero na hindi magiging dagdag na lakas ang pagdulog sa UN lalo na kung ikukonsidera ang kultura at tradisyon sa eastern countries.
Mas pabor ang senador sa estratehiya ni Pangulong Bongbong Marcos na gamitan ng diplomasya ang pakikipag-engage sa China partikular sa mga usapin na maaaring magtulungan at magkasundo nang hindi isinusuko ang ating mga karapatan at soberanya.
Ipinaalala naman ni Padilla na kahit saang forum dalhin ang usapin kung hindi rin naman haharap at makikipagtulungan ang China ay wala ring mangyayari.
Ipinaliwanag ng senador na ganito ang nangyari sa The Hague ruling na hindi tinatanggap ng China dahil hindi naman sila nakilahok sa proseso.
Sa kabilang dako, suportado ng magkapatid na senador ang panukala ni Hontiveros
Ayon kay Senador JV Ejercito, lumalala na ang pagiging agresibo ng Chinese Coast Guard at ng kanilang Navy laban sa Philippine Coast Guard, Philippine Navy at maging sa mga Pilipinong mangingisda.
Taliwas anya ito sa pagpapakita ng China na sila ay kaalyado ng Pilipinas na nagbibigay pa ng fertilizer subalit hinaharas naman ang mga mangingisda.
Idinagdag ni Ejercito na dapat gamitin ng bansa ang lahat ng diplomatic measures para sa ipinaglalaban nating teritoryo.
Sinabi naman ni Sen. Jinggoy Estrada na kung ito ang paraan upang matigil na ang pambubully ng China ay susuportahan niya ang panukala ni Hontiveros.
Tiniyak din ni Estrada na boboto siya pabor sa resolusyon ni Hontiveros sa sandaling talakayin ito sa plenaryo.(Dang Samson-Garcia)
341
