HINIMOK ni Senador Richard Gordon ang mga umuuwing overseas Filipino workers na mag-enrol sa online courses ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang magkaroon ng dagdag na oportunidad sa gitna ng pandemya.
Sinabi ni Gordon na habang naka-quarantine o isolation ang mga OFW, mas makabubuting mag-enrol sa online courses.
“Sa paglahok sa mga online course na ito, mapapayabong ang kaalaman at abilidad ng ating mga bagong bayani, dahil ito ay makakatulong rin sa paghahanap nila ng bagong trabaho kung saan man nila magustuhan,” saad ni Gordon.
Simula nang pumutok ang pandemya, maraming Pilipino na ang nakikinabang sa online program bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na mapalakas pa rin ang ekonomiya.
Kabilang sa mga kurso ng TESDA ang electrical at electronics, entrepreneurship, information at communications technology, basic computer operations, cooking, agriculture, tourism, automotive, healthcare, at iba pa.
Sa datos ng TESDA, nasa 7,500 OFWs ang nag-enroll noong 2020, kung saan 6,140 ang graduating habang 1,856 ang naisyuhan na ng sertipikasyon ng ahensya.
“The TESDA concept is very special because it teaches people not to let themselves wallow in self-pity, instead be able to improve through quality skills education,” dagdag ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)
