MARAMING mga OFW ang nadismaya nang unang nagdeklara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong nakaraang taon. Marami kasing mga Local Government Unit at maging ang Department of Social Welfare & Development (DSWD) ang tumangging bigyan ng ayuda ang mga dating OFW o mga umuwing OFW.
Katwiran ng ilang LGU officials ay mga OFW naman sila kung kaya inaasahan na may pera sila at hindi nangangailangan ng ayuda.
Napakarami kong natanggap na tawag sa telepono at maging sa aking Messenger account na umiiyak na dating OFW at inirereklamo ang kanilang LGU officials.
Marami kasing LGU officials ang hindi nakauunawa ng katayuan at damdamin ng mga OFW at ang kanilang mga pamilya. Hanggang sa ngayon ay nakatanim pa rin sa utak ng ilang opisyal na ang mga OFW ay limpak-limpak na pera ang hinahawakan, gayun ang katotohanan ay marami sa mga OFW na kaya umuwi sa Pilipinas ay dahil nawalan ng trabaho at ang karamihan pa ay mga mababa ang sweldo na sapat na sapat lamang sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ngayon na nagdeklara na naman ang Palasyo ng Malakanyang ng pagpapatupad ng ECQ sa buong NCR at maging ang karatig na probinsiya katulad ng Laguna at Cavite ay tila nanunumbalik na naman ang mga sama ng loob ng mga umuwing OFW. Nag-anunsyo kasi ang Malakanyang na ito ay muling magkakaloob ng ayuda sa bawat pamilya ng halagang 1,000 piso hanggang 4,000 piso sa susunod na linggo.
Ikinababahala ng mga OFW at pamilyang OFW na baka hindi na naman sila isama sa listahan ng mga mabibigyan ng nasabing ayuda ng kanilang mga LGU sa katwiran na sila ay mga OFW at may mga pera naman.
Kung kaya pinapangunahan ng AKOOFW ang panawagan sa DSWD at sa DILG na ipag-utos nito sa lahat ng mga LGU na isama sa listahan ng pagkakalooban ng ayuda maging ang mga umuwing OFW. Una ay hindi lahat ng mga OFW ay nakatanggap ng ayudang 10,000 piso na DOLE–AKAP na ipinagkakaloob ng Department of Labor and Employment. Ikalawa ang mga umuwing OFW ay katulad din ng mga ordinaryong mamamayan na lubhang naapektuhan ang kabuhayan at hanapbuhay nang dahil sa pagsasara ng mga negosyo dulot ng pandemya.
Sa pagkakataon na ito ay maging patas sana ang pagtingin ng ating pamahalaan sa pangangailan ng mga OFW at pamilyang OFW. Hindi lamang quarantine ang kailangan ng mga OFW, siyempre pati “quarta rin”.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
