MILITAR NAMAGITAN SA GIRIAN NG 2 GRUPO, 3 ARESTADO

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Muling pinatunayan ng militar ang kanilang kahandaan sa pagpigil sa karahasan matapos namagitan at pinahupa ang tensyon sa pagitan ng dalawang naglalabang grupo sa bayan ng Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.

Ayon kay Lt. Col. Germen T. Legada, Battalion Commander ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion, agad nagresponde ang tropa ng militar noong Martes ng gabi matapos matanggap ang ulat hinggil sa girian ng dalawang grupo sa Barangay Panadtaran, dahilan upang maagapan ang posibleng madugong sagupaan.

Subalit pinaputukan ng mga armadong indibidwal ang paparating na tropa ng 33IB habang patungo sa lugar upang mamagitan sa iringan. Dahil dito, nagkaroon ng sagupaan at isinunod ang pagsasagawa ng clearing operations sa lugar.

Tatlong miyembro ng armadong grupo ang naaresto ng tropa ng pamahalaan. Kinilala ang mga ito na si Nur Muktar, at ang dalawang sugatan na sina Harris Lido at Bagondali Maon, kapwa nasa hustong gulang.

Nasamsam sa kanila ang ilang kagamitang pandigma kabilang ang isang M14 rifle, isang cal. 45 pistol, isang 12-gauge pistol, iba’t ibang magasin, bandolyer, backpacks, at android cellphones.

Ayon kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, “Hindi natin hahayaan na muling maipit sa kaguluhan ang mga mamamayan dahil lamang sa patuloy na alitan ng mga armadong grupo. Patuloy ang ating pakikipag-ugnayan sa mga lokal na lider upang tuluyang mapahupa ang tensyon at matuldukan ang karahasan.”

Samantala, ipinahayag ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central (JTFC), ang kanyang pagkilala sa maagap na aksyon ng tropa ng 33IB.

“Ang mabilis at maayos na pagkilos ng ating mga kasundaluhan ang siyang nagligtas sa ating mga kababayan mula sa posibleng kapahamakan. Patuloy tayong magsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor ng komunidad. Hindi natin hahayaan na manaig ang takot at kaguluhan sa ating nasasakupan,” pahayag ni Maj. Gen. Gumiran.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon at koordinasyon ng militar sa kinauukulang mga ahensya at lider ng komunidad upang tuluyang maresolba ang nasabing sigalot.

(JESSE RUIZ)

70

Related posts

Leave a Comment