MULING nag-viral si Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo dahil sa kanyang pagga-grandstand habang iniinspeksyon ang isang proyekto, sa kabila ng ipinatutupad ng pamahalaan na “Anti-Epal” policy.
Kamakailan, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga tanggapan nito at ng local government units na agarang alisin ang mga pangalan, larawan, at pagkakahawig ng mga opisyal ng gobyerno mula sa lahat ng proyektong pinondohan ng gobyerno, mga programa, aktibidad, at ari-arian.
Sa isinagawang inspeksyon sa konstruksyon ng gusali ng Nangka High School, nakita si Quimbo na naglabas ng metro at sinusukat ang scaffolding na ginagamit ng mga manggagawa, sa halip na ang mismong istrukturang itinatayo.
Ang naturang kilos ni Quimbo, na nakunan ng video at ibinahagi online ng Facebook group na Batang Marikina, ay mabilis na umani ng atensyon at batikos mula sa mga netizen.
Kinuwestiyon ng mga online user ang layunin ni Quimbo sa pagsukat ng scaffolding, na pansamantala lang at hindi sumasalamin sa kalidad, kaligtasan, o progreso ng gusali.
Pinuna rin ng iba ang naturang hakbang ni Quimbo bilang pagpapakitang-tao lang at hindi seryosong pagsisikap upang tiyakin ang pagsunod sa mga pamantayan sa engineering o kaligtasan.
“Ngaun lng ako nakakita ng ng susukat ng scalpfolding para saan po?” komento ng isang netizen.
“Ang galing mag inspection, sinukat kung nsa tamang sukat ung scaffolding,” ayon sa isa pa.
“Feeling engineer kuno hehehehehehe ano ba yan,” ayon sa isa pang netizen.
Binatikos din si Quimbo sa pagpasok sa isang construction site nang walang tamang safety equipment, gaya ng helmet at personal protective equipment (PPE).
Kamakailan din ay nakatanggap si Quimbo ng batikos mula sa mga netizen matapos niyang i-promote sa kanyang social media account ang isang proyekto ng gusali ng paaralan na nasa labas ng kanyang congressional district.
Nagpahayag naman ng pangamba ang Facebook group na Marikina Against Corruption na patuloy umanong nagpo-post at inaangkin ni Quimbo ang kredito para sa proyekto ng gusali ng
Marikina Science High School, sa kabila ng kawalan ng malinaw na mga permit at kakulangan ng kalinawan sa pagmamay-ari ng lupa kung saan umano itatayo ang gusali ng paaralan. (EG)
4
