MISCELLANEOUS AND OTHER FEES WALA NA SA KATUWIRAN

WALA na sa katuwiran ang mga private school na maningil ng miscellaneous at other fees sa mga estudyante lalo na’t hindi gagamitin ang kanilang mga pasilidad dahil idadaan naman sa electronic ang pagtuturo sa mga bata ngayong panahon ng pandemya.

Maaaring ang mga estudyante sa mga private school ay anak ng mga may kaya sa buhay pero hindi pa rin makatarungan na singilin sila ng miscellaneous at other fees na mas malaki pa kumpara sa tuition fee na hindi naman talaga kailangan.

Sa loob ng kani-kanilang bahay magsisipag-aral ang mga estudyante kaya hindi nila magagamit ang kanilang classrooms. Hindi rin naman magagamit ang anomang pasilidad ng eskwelahan kahit pa ang kanilang mga kubeta kaya anong maintenance ang sinasabi ng mga private school para maningil ng miscellaneous and other fees?

Hindi rin magagamit ng mga estudyante ang kanilang laboratory kaya para saan ang laboratory fees na kasama pa rin sa miscellaneous fees na i­pinababayad ng mga private school sa mga estudyante?

Yung internet at library fees, hindi na rin kailangan pero sinisingil pa rin ito sa mga estudyante gayung gagastos ang mga magulang para makakonek ang kanilang mga anak sa kanilang mga guro at professors.

Kahit noong hindi pa panahon ng pandemya, kinukuwestiyon ko ang internet at library fees na ito dahil sa totoo lang, hindi naman nakakakonek ang mga estudyante sa internet ng eskuwelahan.

Gumagastos sa ­sariling bulsa ang mga es­tudyante para magkaroon ng koneksyon sa internet at kung ang internet na pino-provide ng kanilang eskuwelahan ang aasahan nila, tapos na ang school year pero hindi pa rin sila tapos sa kanilang research.

Dahil din sa internet, hindi na kailangan ng mga estudyante na pumunta sa library dahil mayroon na silang sariling internet at nakakapag-research na sila sa assignments na i­binibigay sa kanila ng kanilang mga guro at professors.

Ngayon nga, wala ka ng karapatang magtanong sa mga kasamahan mo sa mga bagay-bagay na gusto mong malaman dahil baka sasagutin ka ng: “may internet ka di ba?, i-google mo, tanga”.

Sa totoo lang, ang mga opisyales lang ng eskuwelahan ang may malakas na access sa internet sa kanilang eskuwelahan pero ang nagbabayad ay ang mga estudyante na hindi naman talaga nakikinabang dito.

Inaamag na ang mga libro sa library ng mga eskuwelahan dahil walang nagpupuntang estudyante para mag-research dahil isang click mo lang, lalabas na ang sagot sa tanong mo pero naniningil pa rin sila ng library fees. Kahit siguro ang mga guro at professors ay hindi na nagpupunta sa library eh.

158

Related posts

Leave a Comment