UMAKYAT na sa 318 ang miyembro ng 20th Congress matapos pumasok ang tatlong bagong kinatawan ng party-list.
Kahapon ng hapon, pormal nang nanumpa sa plenaryo si Abono party-list Rep. Raymund Estrella. Inaasahan ding manunumpa sina Alfred delos Santos ng Ang Probinsyano party-list at Arthur Yap ng Murang Kuryente party-list matapos silang iproklama ng Commission on Elections (Comelec).
Sila ang pumalit sa mga kinatawan ng Duterte Youth party-list na hindi pinaupo matapos bawiin ng Comelec ang kanilang rehistrasyon dahil umano sa mga paglabag sa party-list system.
Dahil dito, kumpleto na ang 20th Congress na may 318 miyembro — 63 mula sa party-list at 255 mula sa mga distrito.
Bawat kongresista ay may salary grade 31 o katumbas ng ₱285,813 hanggang ₱326,681 kada buwan, bukod pa sa buwanang allowances gaya ng communication at travel na hindi isinasapubliko.
(BERNARD TAGUINOD)
