GAGAWING 24-oras ang rehabilitasyon sa kahabaan ng EDSA, ayon sa pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, sisimulan ang Phase 1 ng rehabilitasyon sa bisperas ng Pasko, Disyembre 24.
Inanunsyo ito ng MMDA sa isang press briefing na isinagawa kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Artes na tuluy-tuloy ang pagkukumpuni at 24 oras ang trabaho, na magsisimula ganap na alas-11:00 ng gabi ng Disyembre 24 at tatagal hanggang alas-5:00 ng madaling araw ng Enero 5, 2026.
Binigyang-diin ni Artes na hindi isasara ang EDSA sa buong panahon ng rehabilitasyon at inaasahang aabutin ng walong buwan ang kabuuang proyekto.
Ayon sa MMDA, tatagal ng apat na buwan ang Phase 1, mula Roxas Boulevard hanggang Orense, habang apat na buwan din ang Phase 2 para sa nalalabing bahagi ng EDSA.
Nasa P6 milyon ang pondong inilaan para sa EDSA rehabilitation, mula sa dating P17 bilyon.
Tiniyak naman ni Artes na sapat ang public transportation para sa mga pasahero sa oras na umarangkada ang Phase 1 ng rehabilitasyon.
Mananatiling dedicated lane ang EDSA Bus Lane, at kinokonsidera rin ng MMDA ang pagdaragdag ng mga bus na tatakbo sa ruta.
Sa kasalukuyan, may 260 bus units na bumibiyahe sa EDSA Bus Carousel, habang anim na bus pa ang naka-standby.
(CHAI JULIAN)
75
