SA paglalayong tiyaking wala nang maikukubli pa ang lahat ng paparating na kargamento, apat na bagong units ng mobile container x-ray machines ang aarangkada at direktang susuri ng mga nilalaman ng mga naglalakihang containers na pumapasok sa bansa.
Pagmamalaki ng Bureau of Customs (BOC), may kakayahan ang kanilang mga makabagong mobile x-ray machines na Makita ang laman ng mga container vans kahit pa hindi na buksan ang mga ito.
Anila, mas madali na rin nilang makikita kung ang laman ng mga kargamento ay iba sa idineklara ng mga importers, consignees at customs brokers batay sa mga isinumite nitong dokumento.
Nakatakda namang gamitin ng X-ray Inspection Project (XIP) ng kawanihan ang mga bagong kagamitang anila’y pagpapaigting sa kalakalan, kasabay ng pagsawata sa mga tangkang pagpupuslit ng mga illegal na epektos.
“The more advanced technology allows the non-intrusive detection of smuggled goods within containerized shipments and improves the capacity of the BOC in identifying misdeclared, undervalued and undeclared commodities in a shorter period of time through the expeditious scanning capability of these additional assets,” saad ng pahayag ng kawanihan sa isang kalatas na ibihagi sa kanilang Facebook page.
Bukod sa mga bagong biling mobile x-ray machines, mayroon na rin 124 pang portable x-ray devices ang kawanihan. Gamit ang mga ito, nakalikom ng
karagdagang P63,426,370.64 mula sa taripa at buwis ang kawanihan, bukod pa sa nasilat nitong P117,393,900 halaga ng mga tangkang ipinuslit na mga kargamento at droga mula pa Enero ng kasalukuyang taon.
Pagtitiyak ni Customs Commissioner Rey Leonardo, Guerrero, ang kanilang modernisasyon – bagama’t malaking halaga ang kailangan – ay inaasahang pagpasok sa kaban ng higit pa sa inaasahan o target ng kanilang tanggapan.
Sa pagtataya ng kawanihan, sisimulan na ang paggamit ng mga bagong biling mobile x-ray machines sa susunod na buwan – panahong karaniwang bugso ang pagpasok ng mga kargamento lalo pa’t papalapit na ang Pasko.
Kabilang sa mga district collection offices na itinalagang gagamit ng mga mobile x-ray machines ay ang mga puerto sa Maynila, Cebu, Subic at Cagayan de Oro kung saan inaasahang mataas ang bilang ng mga pumapasok na kalakal.
