RAPIDO NI TULFO
MUKHANG ngayon palang talaga napagtutuunan ng pansin ng mga ahensiya gobyerno ang lumalalang problema sa abandonadong balikbayan boxes sa Bureau of Customs.
Una naming natisod ang isyung ito noong taong 2023 matapos na makatanggap ng maraming reklamo sa aming messenger ukol sa inabandonang mga kahon mula sa Dubai, UAE.
Inabot ng mahigit dalawang taon bago nagkaroon ng imbestigasyon sa Kamara dahil mas dumami pa ang bilang ng inabandonang containers na naglalaman ng balikbayan boxes.
Sa naturang imbestigasyon na isinasagawa ngayon ng Committee on Overseas Workers Affairs, nabuko nito ang ginagawa ng ilang local na cargo forwarders na sumasama sa bidding na ginagawa Customs sa containers na naglalaman ng balikbahan boxes.
Isa sa ipinatawag sa Kamara ay itong Monique Rapide Transport na pag-aari ni Mona Tan, ipinatawag si Mona Tan dahil siya ang nanalo sa ilang containers na isinubasta ng BOC mula sa Saudi.
Nauna na nating naisulat dito na ayon sa ilang mapagkakatiwalaang sources, pinalayas ni DMW Sec. Hans Cacdac si Mona Tan sa kanyang harapan, matapos na sabihin nito na bilhin na lang ng DMW ang mga kahon mula sa Saudi na napalunan niya sa bidding.
Mukhang malalagay na naman sa alanganin si Tan, ngayon naman sa Department of Trade and Industry – FREE Trade Enforcement Bureau (FTEB).
Ito ay matapos malaman ng DTI na ilang pirasong kahon lang sa ilang containers na kanyang hawak ang isinuko sa DMW para mai-deliver sa may-ari.
Taliwas ito sa mga kumakalat na ulat na lahat daw ng kahon ay isinuko na ni Ms. Mona Tan sa DMW.
Alam kaya ng Department of Migrant Workers na mistulang niloloko lang sila ni Tan?
