MOST WANTED NG ZAMBALES HULI SA ORIENTAL MINDORO

TINIKTIKAN at tinugaygayan ng mga tauhan ni Zambales Provincial Police Office director, P/Col. Romano V. Cadiño, ang itinuturing nilang provincial top 7 most wanted person hanggang sa masundan ito at madakip sa Oriental Mindoro noong Huwebes.

Ayon sa ulat na ibinahagi ni Col. Cardiño, nadakip ng kanyang mga tauhan si Resty Dela Cruz Gallardo sa ipinatupad na law enforcement operation sa Brgy. San Isidro, Puerto Galera, Oriental Mindoro.

Si Gallardo ay itinuturing na “armed and dangerous drug personality” sa lalawigan ng Zambales at target ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Raymond C. Viray, presiding judge ng RTC Branch 75, Olongapo City. Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa kaso ng nasabing suspek.

Nabatid na gamit ang social media ay natukoy ng grupo ni P/Lt. Niño Ryan R. Opinga ang kinaroroonan ng suspek at sa tulong ng Zambales PNP Intelligence Unit, CIDG-PFU, Police Intelligence Unit ng Oriental Mindoro, 1st PMFC Oriental Mindoro at Puerto Gallera MPS, ay inilunsad ang pag-aresto sa suspek.

Sinasabing base sa intelligence reports, miyembro ang suspek ng isang malaking drug group na kumikilos sa Zambales area at nagtago sa Puerto Galera.

Pansamantalang idinetine sa Puerto Galera MPS lock-up jail si Gallardo para sa proper booking procedures, bago ibabalik sa Castillejos MPS, Zambales at para sa commitment order. (JESSE KABEL)

402

Related posts

Leave a Comment