INARESTO ng mga tauhan ng Manila Police District ang tinaguriang number 1 most wanted person sa Northern Samar sa kasong 4 counts ng rape, sa pinagtataguan nito sa GMA, Cavite nitong Sabado ng hapon.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa suspek na si Antonio Amoradjie y Buenaobra alyas “Dodoy,” construction worker at pansamantalang naninirahan sa Rolling Hills Subd., Brgy. F. De Castro, GMA, Cavite.
Base sa ulat ng MPD-Pandacan Police Station 10, bandang alas-2:30 ng hapon noong Mayo 1 nang arestuhin si Amoradjie ng mga tauhan ng MPD kasama ng mga operatiba ng Northern Samar PPO dahil sa kasong rape in relation to 7610 (4 counts).
Ayon sa report ng pulisya, inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Norma Mecenio-Cardenas ng RTC Branch 19 sa Catarman, Northern Samar.
Anim na taong nagtago sa batas si Amoradjie makaraang mag-isyu ng warrant of arrest si Judge Mecenio- Cardenas noong Hunyo 2015.
Mula sa Cavite ay dadalhin ang suspek sa Northern Samar para harapin ang kinahaharap niyang kaso. (RENE CRISOSTOMO)
361
