NAGPROTESTA ang mga miyembro ng Motorcycle Taxi Community Philippines sa harapan ng Senado sa lungsod ng Pasay kasabay ng pagdinig hinggil sa pagsasalegal ng motorcycle taxi upang masolusyunan ang problema sa trapiko sa bansa. (DANNY BACOLOD)
DAAN-DAANG miyembro ng Motorcycle Taxi Community Philippines (MTCP), isang grupo ng mga motorcycle taxi riders mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang nagtipon sa labas ng Senado nitong Martes upang himukin ang mga mambabatas na pabilisin ang pagpasa ng matagal nang hinihintay na batas para sa mga motorcycle taxi sa Pilipinas.
Ayon kay MTCP Chairman Romeo Maglunsod, nananawagan ang grupo kay Senate Committee on Public Services Chairman Senator Raffy Tulfo na unahin at pabilisin ang legalisasyon ng motorcycle taxis sa buong bansa.
Iginiit niya na ang matagal nang pilot program, na nasa ikalimang taon na nito, ay isang madaling solusyon na maaaring makatulong upang mapabuti ang urban mobility at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya.
“Naniniwala kami na si Sen. Raffy Tulfo, isang tunay na kakampi at kaakibat ng mga manggagawang Pilipino, ay ang panibagong pag-asa ng bawat rider at pasahero upang opisyal nang makilala ang transport service na ito sa ating saligang batas,” ani Maglunsod.
Mula pa noong 2019, ang mga motorcycle taxi ay nag-ooperate sa ilalim ng isang pilot program na kinabibilangan ng mga kumpanyang tulad ng Angkas, JoyRide, at MOVE IT, na may kabuuang 45,000 riders sa Metro Manila. Layunin ng programang ito na suriin ang viability at kaligtasan ng motorcycles-for-hire bilang isang pampublikong transportasyon.
Ayon kay Maglunsod, ang pagpasa ng MC Taxi Law ay makapagbibigay ng malaking tulong sa mga komyuter upang mas magtiwala sa paggamit ng motorcycle taxis bilang abot-kaya, ligtas, at maaasahang transportasyon.
“Ang MC Taxi Law ang magtatakda ng mga panibagong pamantayan para sa proteksyon ng kabuhayan at kalagayan ng bawat rider, gaya ng standardized na mga benipisyo at mga training programs ng mga platforms. Para sa mga komyuter, mas mapag-iibayo pa ang pagpapaganda ng mga moto-taxi service platforms,” dagdag pa nito.
Bukod dito, binigyang-diin din ni Maglunsod na ang mga motorcycle taxi ay isang praktikal na solusyon sa problema ng trapiko sa lungsod dahil sa kakayahan nilang makalusot sa masisikip na kalsada, kaya’t mas mabilis ang biyahe sa mga mataong lugar.
Nagpahayag na rin ng suporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa legalisasyon ng mga motorcycle taxi, at binigyang-diin ang pangangailangan na palawakin ang mga opsyon sa transportasyon para sa mga komyuter, drayber, at maliliit na negosyo o MSMEs.
Kinilala rin ni House Speaker Martin Romualdez ang House Bill No. 3412, na naglalayong gawing legal ang mga motorcycle taxi at baguhin ang regulasyon ng transport network vehicle services, bilang isang “priority measure”.
Sinabi naman ni Senator Grace Poe na ang isang maayos na regulasyon ay magbibigay ng mas maraming opsyon para sa mga komyuter at magpapalakas ng kompetisyon sa pagitan ng mga service provider.
Sa kabila ng malawakang suporta, nananatiling nakabinbin ang batas. Ipinaabot ni Maglunsod ang pangamba na ang patuloy na pagkaantala sa pagpasa ng batas ay maaaring makasagabal sa progreso ng industriya at sa potensyal nitong mag-ambag sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan.
“Sen. Idol Raffy Tulfo, kayo po ang aming pag-asa sa pagkamit ng aming pangarap na opisyal na kaming kilalanin ng ating batas. Matagal na kaming bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng maraming Pilipino. Panahon na para bigyan ng malinaw na regulasyon upang mas mapaigi pa natin ang antas ng serbisyo ng lahat ng platforms,” ani Maglunsod.
