TAGAYTAY City – Patay ang isang 33-anyos na rider nang madulas ang minamanehong motorsiklo at bumangga sa isang Bajaj trike sa lungsod na ito, noong Biyernes ng umaga.
Isinugod pa sa Ospital ng Tagaytay City ang biktimang si Jaylord Bubehis ng San Luis, Batangas ngunit hindi umabot nang buhay.
Hawak na ng pulisya ang driver ng Bajaj trike na si Joel Manalo, isang construction worker, ng Brgy. Sungay East, Tagaytay City.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Edward Sytiao ng Tagyatay City Police, dakong alas-7:20 ng umaga nang mangyari ang insidente.
Binabagtas ng biktima ang Tagaytay-Aguinaldo Highway sakop ng Brgy. Maitim 2nd, Tagaytay City patungo sa north direction habang patungo naman si Manalo sa south direction.
Ngunit pagsapit sa nasabing lugar nang nadulas ang minamanehong motorsiklo ng biktima at bumangga sa kaliwang bahagi ng Bajaj trike ni Manalo na nagresulta sa pagkamatay nito. (SIGFRED ADSUARA)
