BATANGAS – Tatlo ang namatay makaraang salpukin ng kotseng may lulang pasyente ang isang motorsiklo sa unahan nito sa national highway sa Brgy. San Luis, sa bayan ng Sto. Tomas sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.
Parehong dead on the spot ang mag-inang magkaangkas sa motorsiklo na sina John Paolo Lopez, 21, na siyang driver, at Carolina Lopez, 40, guro, mga residente ng nabanggit na barangay.
Batay sa report ng Sto. Tomas City Police, dahil sa pagmamadali nabangga sa likurang bahagi ang motorsiklo ng kasunod na kotseng Honda City na minamaneho ni Jerick Guevarra, 29, kung saan sakay ang may-ari ng kotse na si PUP-Sto. Tomas professor, Jaime Tesoro Guevarra na isusugod sa ospital sa Sto. Tomas dahil sa heart attack.
Sa lakas ng impact, wasak na wasak ang motorsiklo at dumanas ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang mag-ina na agad nilang ikinamatay.
Pagkaraan ay nawala sa kontrol sa manibela ang driver ng kotse kaya bumangga ito sa konkretong pader at bakal na signage.
Makaraan ang insidente ay tumakas ang driver ng kotse na si Guevarra at iniwan ang pasyenteng si Jaime na tuluyan nang binawian ng buhay dahil sa atake sa puso at sa aksidente.
Nasugatan din ang isa pang pasahero ng kotse na si Bon Andre Dimaculangan. (NILOU DEL CARMEN)
