MOTORSIKLO SUMALPOK SA TRUCK, 2 PATAY

QUEZON – Patay ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo matapos na sumalpok sa kasalubong na truck sa makipot na kalsada sa Barangay Payapa, sa bayan ng Tagkawayan sa lalawigang ito, nitong Linggo ng umaga.

Kapwang idineklarang dead on arrival sa Maria Lourdes Eleazar Memorial District Hospital sa Tagkawayan ang mga biktimang sina John Paul Anog, 18, at Noriel De Torres, 20-anyos.

Batay sa report ng Tagkawayan Police, patungong kabayanan ang dalawa at tinatahak ang makitid na barangay road nang makasalpukan ang kasalubong na Elf towing truck na minamaneho ni Virgilio Autida.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang dalawang biktima at bumagsak damuhan sa gilid ng highway.

Dahil walang suot na crash helmet, grabeng napinsala ang kanilang ulo.

Ayon sa driver ng truck, mabilis ang takbo ng motorsiklo at masyadong maliit ang kalsada kaya hindi niya naiwasan ang mga ito. (NILOU DEL CARMEN)

105

Related posts

Leave a Comment