SA gitna ng patuloy na pag-init ng usapin sa umano’y multi-bilyong anomalya sa DPWH flood control projects at sunod-sunod na anti-corruption protest, bigla ring lumutang ang isyu ng destabilisasyon at umano’y planong kudeta laban sa administrasyong Marcos Jr.
Pero agad itong ibinasura ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa inilabas na pahayag, mariing itinanggi ng AFP ang mga kumakalat na espekulasyon hinggil sa posibleng kudeta o destabilization plots laban kay Pangulong Marcos.
“The Armed Forces of the Philippines (AFP) rejects malicious narratives about supposed plans to unseat the President or launch destabilization efforts,” ayon kay Col. Xerxes Trinidad, AFP Public Information Office chief.
“These claims are baseless, unfounded, and far removed from reality.”
Giit ng militar, ang kanilang katapatan ay nakatali lamang sa Constitution, Republika at Sambayanang Pilipino — hindi sa pulitika o sinomang personalidad.
Dagdag pa ng AFP, malinaw ang kanilang mandato: ipagtanggol ang democratic institutions at manatiling propesyonal na organisasyon na hindi nakikialam sa hidwaang pulitikal.
“We remain a professional and disciplined force, with the chain of command intact and united. Efforts to link the AFP to intrigue are nothing more than attempts to sow division, cast doubt on our leadership, and derail the President’s fight against corruption,” ani pa ng pahayag.
Tiniyak ng AFP sa publiko na nananatiling matatag at tapat ang kasundaluhan sa kanilang sinumpaang tungkulin—isang puwersang may prinsipyo, disiplina at katapatan sa watawat, Konstitusyon at Republika.
(JESSE RUIZ)
