TINULUNGAN ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Indian national mula sa isang international vessel nang masugatan ito dahil sa aksidente, at dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Batay sa pahayag ng PCG, agad silang nagsagawa ng medical evacuation sa biktima mula sa M/V Formento II na naglalayag sa 8.3 nautical miles southeast ng Virac, Catanduanes noong Miyerkoles, dahil sa severe injury na dinanas nito sa daliri na labis ang pagdurugo.
Ang biktima ay lulan ng barko na isang Singaporean-registered bulk carrier, na umalis sa Baoshan Port sa China at patungong Port Hedland sa Australia, nang mangyari ang insidente.
Agad nakipag-ugnayan ang PCG sa kapitan ng barko at local agent upang magsagawa ng medical evacuation sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Inabisuhan din ng local agent ang Bureau of Immigration (BI) at Bureau of Customs (BoC) tungkol sa medical evacuation.
Pagdating sa Virac Port, dinala ang sugatang Indian crew sa Catanduanes Doctors Hospital kung saan ito sumailalim sa operasyon.
(RENE CRISOSTOMO)
