NAG-DRIVING PARA SA VLOG, NA-DRIVING SUSPENSION TULOY

GEN Z ni LEA BAJASAN

KUNG may sports car ka, natural lang sigurong gusto mong ipagmalaki ito. Lalo na kung maganda ang kulay, makintab ang body, at maingay ang tambutso. Pero iba na ang usapan kapag ginamit mo ito sa EDSA para mag-vlog habang nagmamaneho. Iyan mismo ang ginawa ng isang content creator na ngayon ay suspendido ang lisensya ng 90 araw.

Hindi lang isa ang kaso niya. Bukod sa reckless driving, sinampahan din siya ng paglabag sa Anti-Distracted Driving Act at ang mas mabigat pa ay ang pagiging “improper person to operate a motor vehicle.” Ibig sabihin, hindi siya karapat-dapat humawak ng manibela. Kapag napatunayan ang mga kaso laban sa kanya, puwede siyang tuluyang mawalan ng lisensya habang buhay.

Para sa ilan, parang mabigat ang parusa. Pero sa totoo lang, swerte pa nga siya. Paano ka magmamaneho nang maayos kung hawak mo ang cellphone, kinukunan mo ang sarili mo, at sabay mo pang ini-entertain ang mga nanonood habang nasa gitna ng traffic? Hindi biro ang ganoong klaseng pagpapabaya. Isang maling liko lang, puwedeng may mamatay.

Ang EDSA ay hindi racetrack. Hindi ito content playground. Araw-araw, milyon ang dumaraan sa kalsadang iyon. Lahat ng klase ng sasakyan ay nandoon. Bus, jeep, truck, taxi, motor, pati na ang mga taong biglang tatawid kahit walang tawiran. Sa ganitong kondisyon, bakit mo pa isasapanganib ang lahat para lang makakuha ng views?

May mali rin sa mindset ng ilang social media personalities. Kapag trending sila, parang untouchable. Kapag may milyon-milyong followers, akala nila puwede na silang hindi sumunod sa batas. Pero ang batas sa kalsada ay pantay-pantay para sa lahat. Wala kang espesyal na pribilehiyo kahit verified pa ang account mo.

Hindi lang ang content creator ang may pananagutan. Tayong mga nanonood ay may parte rin. Kung palagi nating pinapanood ang ganitong klase ng video, mas ginaganahan silang gumawa ng mas matitindi. Mas maraming views, mas maraming gumagaya, mas maraming disgrasya. Sa bandang huli, viewers din ang nagiging parte ng problema.

Kaya dapat matuto tayong pumili. Hindi lahat ng viral ay dapat hangaan. Hindi lahat ng may camera ay may saysay. At hindi lahat ng mukhang “cool” ay dapat tularan sa totoong buhay. Kung totoo ang support mo sa content creator, dapat mas gusto mong ligtas sila, hindi lang sikat.

Ang dami namang puwedeng gawing content na hindi kailangang isugal ang buhay mo o ng iba. Puwede kang gumawa ng nakatatawang video. Puwede kang magbigay ng inspirasyon sa pag-aaral. Puwede mong ipakita ang simpleng araw mo sa bahay o kahit pagmamaneho nang maayos. Hindi mo kailangang magpaka-action star sa gitna ng trapik.

Masuwerte pa nga itong vlogger na ito. Masuwerte siyang wala siyang nabangga, nasagi, o nasagasaan. Masuwerte siyang buhay pa siya. Pero hindi palaging ganyan ang ending. Baka sa susunod, may mas malala pa ang mangyari at baka hindi na maibalik ang lahat.

Kung content talaga ang hanap mo, puwedeng nakatatawa, puwedeng makabuluhan, puwedeng totoo. Pero kung ang bida ay laging pasaway, ‘wag ka nang mag-subscribe.

Kasi ang tunay na astig, hindi lang marunong magmaneho. Marunong din magpreno bago may masaktan.

63

Related posts

Leave a Comment