LUMIKHA ng kontrobersya ang panibagong utos ng Department of Education (DepEd) sa mga guro. Nilalaman ng DepEd Order 49 na pinirmahan ng kagawaran para sa mga guro, ang pagbabawal na kausapin ang mga estudyante sa labas ng eskwelahan, iwasang makipagkaibigan, makipag-ugnayan, o i-follow sa social media.
Ayon kay Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte, dapat mayroong linya sa pagitan ng titser at estudyante at hindi maging magkaibigan sa labas ng eskwelahan dahil magkakaroon ng bias at relasyon.
Ang limitasyon sa ugnayang guro-estudyante sa labas ng klasrum o sa eskwelahan, ay hindi tugon para matigil ang pang-aabuso sa mga estudyante, pagsasama ng guro at estudyante sa mga katuwaan o kasiyahan.
Ang hindi kanais-nais na insidente, na hindi naman siguro madalas nangyayari, ay kailangang resolbahin – ano ang nature ng kaso, paano nangyari – sa pamamagitan ng imbestigasyon at pag-aaral. Hindi solusyon dito ang paglimita sa ugnayan ng guro at estudyante sa labas ng eskwelahan.
Noon pa man ay ipinagbabawal sa eskwelahan ang kakaibang relasyon ng guro at estudyante, lalo na kung humahantong ito sa mas mainit na ugnayan. Ngunit hindi bawal ang makipagkaibigan ang guro sa labas ng klase.
Sa panahon ng modernong teknolohiya, ng internet, ng mga gadget at mga social platform, paano makatitiyak ang kagawaran na walang interaksyon ang isang guro sa estudyante?
Kinontra naman ng isang party-list ang DO 49 dahil kasama sa epekto nito ang pagsagka sa karapatan ng mga guro na malayang pagpapahayag, magpahiwatig ng saloobin at mag-organisa.
Nakasulat din kasi sa nasabing utos na hindi dapat nagpo-post sa online ang mga empleyado at opisyal ng kagawaran ng mga atake laban sa kapwa empleyado at dapat gamitin ang legal at human resource mediation. Huwag maliitin o hamakin ang kagawaran, at palaging isipin ang reputasyon at karangalan ng organisasyon.
May malalaking problema ang dapat harapin at bigyan ng atensyon ng kagawaran. Nariyan ang kakulangan ng mga silid-aralan, silya, kulang sa titser, hinaing ng mga guro. Pero ang relasyon ng guro at estudyante ang inuuna.
Hindi kontrobersya ang tugon at solusyon.
