DPA Ni BERNARD TAGUINOD
MINSANG nag-post ang kaibigang Raymond Dadpaas ng DZRH sa kanyang Twitter account hinggil sa problema ng kanyang kaanak sa Ilocos na nahihirapang makakuha ng mga taong aani sa kanyang palayan.
Ang dahilan, kaya hindi makakuha ng mga tao para mag-ani sa kanyang palayan ay miyembro ang mga ito ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps, kaya sabi ni Raymond: masakit man pakinggan, naging tamad (na ang mga tao) dahil sa programang ito.
Actually, matagal nang problema ng mga taga-probinsya ang kakulangan ng mga manggagawa mula nang magkaroon ng ganitong programa para tulungan ang mga ‘poorest of the poor’ na makaahon sa kahirapan.
Maganda naman ang programa dahil binibigyan ng buwanang pinansyal na tulong ang mahihirap na pamilya na may mga anak na nag-aaral sa elementary at high school upang matiyak na makatatapos ang mga bata sa pag-aaral.
Karamihan kasi sa problema ng mahihirap na pamilya ay walang baon ang kanilang mga anak, walang makain, walang pambili ng mga gamit eskwela at kung ano-ano pa kaya para matiyak na pumasok at makapagtapos ang mga bata sa pag-aaral ay binigyan ng gobyerno ng pinansyal na tulong ang kanilang pamilya.
Isang sistema rin ito para gumana ang ekonomiya dahil ang financial support na ibinibigay sa mahihirap na pamilya ay ibibili nila ng kanilang pangangailangan kaya mabubuhay ang mga tindahan at palengke.
Ang problema lang, napansin ng karamihan na mula nang magkaroon ng ganitong programa, marami na rin sa beneficiaries ang ayaw nang magtrabaho dahil meron na silang inaasahang pera kahit hindi sila kikilos.
Bihira ka nang makakuha ng magtatanim, mag-alis ng damo sa iyong taniman, mag-abono at mag-ani dahil nagkakatamaran na sa mga probinsya dahil sa programang ito.
Hindi ko alam kung talagang ugali ito ng mga Pinoy pero kapag may inaasahan silang pera ay hindi na sila nagkukusang dagdagan pa ‘yun para kahit papaano ay umunlad ang buhay nila.
Bago ang nasabing programa, hindi problema ang mga tao kapag nagpapatanim o kaya nag-aani ka dahil ang dami mong makukuha kahit hindi ka mag-imbita pero ngayon pahirapan na.
Sa ngayon ay 4.4 million pamilya ang beneficiaries ng 4Ps at sabihin na lang natin na isang milyon lang d’yan ang ayaw nang magtrabaho dahil may inaasahan silang pera kada ikatlong buwan, ang laking kawalan na iyan sa work force ha, lalo na sa sektor ng agrikultura.
Kaya ang ginagawa ng mga magsasaka ngayon na may malaki-laking sakahan ay ipinapakontrata na lang ang pagtatanim at kapag mag-aani na, aarkila na lang ng reaper.
Sayang lang dahil imbes na mapunta sa mga tao ang bayad (karaniwang palay) ay sa may-ari ng reaper na lang napunta. Dagdag sanang panggastos sa bigas ‘yan kung hindi lang nagkatamaran na.
Siguro medyo baguhin ng gobyerno ang sistema sa 4Ps at ituro sa beneficiaries na huwag lang umasa sa programang ito at sabihan sila na kapag may oportunidad, huwag palagpasin.
