AGAD pinabulaanan ng Bureau of Customs (BOC) na pag-aari ng mag-asawang contractor na sangkot sa DPWH projects scandal, ang nakitang Rolls Royce na naglalamyerda sa Metro Manila na mabilis na kumalat sa social media.
Kasabay nito, nilinaw ng pamunuan ng BOC na nananatili sa kanilang kustodiya ang mga mamahaling sasakyan ng Discaya couple taliwas sa lumabas sa isang social media post na nagsasabing nakita umano sa Metro Manila na minamaneho ang isa sa luxury cars ng mga Discaya.
Nilinaw ng BOC sa inilabas nilang pahayag, ang Rolls-Royce na ipinakita sa isang viral video online ay iba sa plate number mula sa kanilang kinumpiskang sasakyan mula sa mga Discaya.
Paliwanag pa ng kawanihan, ang lahat ng nakumpiskang mga sasakyan ay istriktong binabantayan ng Customs Police, may physical barriers, security personnel at inventory controls para maiwasan ang hindi awtorisadong pag-access, paggalaw o paglalabas ng mga ito.
Mariin ding inihayag ng kawanihan na walang nakumpiskang property ang maaaring ilabas ng Aduana nang walang kaukulang pahintulot.
Anoman aniyang hindi awtorisadong paglalabas, tampering o paggalaw sa nakumpiskang gamit ay may karampatang seryosong paglabag na parurusahan sa ilalim ng umiiral na customs laws and regulations kabilang ang parusang administratibo at kriminal.
(JESSE RUIZ)
10
