HINAHANAP na ng team ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng umano’y fake news na labis na ikinagalit ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte nitong weekend.
“My team is taking steps to trace the sources of these malicious claims and hold them accountable,” ani Ortega, kaugnay ng kumalat online na pahayag na umano’y sinabi niya: “The former President was never fighting a war on drugs. He was running a drug empire.”
Mariing itinanggi ni Ortega ang pahayag, habang naglabas naman ng matinding reaksyon si Duterte laban sa kanya.
“Ilang taon na ‘yang inimbentong istorya na ‘yan. Makinig ka naman sa mga tao, alam nila ang katotohanan… pagod na rin sila sa gawa-gawang kwento niyo, Totoy,” buwelta ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Putak ka nang putak pero ni isa, wala kang maipakitang ebidensya. Kung totoo ang sinasabi mo, ipakita mo — hindi puro drama at press release,” dagdag pa ni Duterte, na sinabing nililihis umano ang usapin mula sa mga isyu ng flood control at korapsyon sa Kongreso.
“Baka gusto mong ayusin muna ‘yang problema sa lugar mo bago ka maghanap ng gulo sa labas ng sariling bakuran mo. Kung wala kang alam kundi manira para mapansin, e ‘di mag-podcast ka na lang,” dagdag pa ng mambabatas.
Nadamay pa sa isyu ang anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., si Ilocos Norte Rep. at House Majority Leader Sandro Marcos, na tinawag na “Charice” ng batang Duterte.
Samantala, pinili ni Ortega na huwag sagutin ang mga patutsada at muling iginiit na hindi siya naglabas ng anomang pahayag laban sa dating Pangulo.
“I urge the public to be cautious and discerning when reading or sharing information online. Please rely only on credible news organizations and verified official social media pages for accurate information,” paalala ni Ortega.
(BERNARD TAGUINOD)
