NAGPONDO SA PRO-CHA-CHA TV ADS HUHUBARAN NG MASKARA

(BERNARD TAGUINOD)

INTERESADO ang mga militanteng mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na malaman kung sino ang gumastos sa isang pro-Cha-cha (Charter change) ads na nagsimula nang umere sa mga telebisyon.

Ayon kay House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, maghahain ang mga ito ng resolusyon para hubaran ang mga tao o grupong nasa likod ng ganitong TV ads na hindi aniya biro ang gastos lalo na sa pag-ere nito sa broadcast media.

“Were the funds used for this ad from public coffers or money from foreign interests trying to change our Constitution so that they can own most of our country,” pahayag ni Castro na miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara.

May pamagat na “edsa-puwera” ang nasabing Cha-cha TV ad kung saan sinisiraan nito ang 1987 Constitution na bunga ng Edsa People Revolution noong 1986 na nagpatalsik sa mga Marcos sa Malacañang.

“Using Edsa-pwera as a catch phrase the paid ad also misleads viewers by saying that it was farmers, students and local businessmen were the ones disadvantaged by the 1987 Constitution but what the voice over and the placards are saying is that more foreigners should wholly own land, businesses and even schools in our country,” ayon pa sa mambabatas.

Naniniwala ang mambabatas na pribadong grupo ang gumawa ng nasabing advertisement subalit dahil may pinapaboran ito, lalo na ang mga nagsusulong ng Cha-cha sa pamamagitan ng People’s Initiative ay posibleng mula sa pera ng bayan ang ginamit dito.

“Hindi rin natin masisisi ang ating mga kababayan na isipin na maaaring pondo ng bayan ang ginamit dito lalo pa at may bagong tulak ang administrasyong Marcos para baguhin ang Konstitusyon at may mga nangangalap ng pirma ngayon para dito pero nililinlang naman o sinusuhulan ang mamamayan,” ani Castro.

Iginiit ng mambabatas na hindi konstitusyon ang may kasalanan ng bumubulusok na economic status ng bansa kundi ang neoliberal na polisiya ng kasalukuyan at mga nagdaang administrasyon.

Hindi People’s Initiative

Para naman sa isang senador, hindi maaaring tawagin na People’s Initiative ang isinusulong na Charter change kung totoo na may binayaran o may naganap na suhulan para sa pangangalap ng mga lagda.

Ito ang iginiit ni Senate minority leader Koko Pimentel kasabay ng panawagan na imbestigahan ang napabalitang suhulan sa ilang distrito at siyudad upang maisulong ang petisyon para sa Cha-cha.

Nagbabala si Pimentel na pansariling interes lamang ng mga nagpopondo ang posibleng mangibabaw sa Cha-cha kung totoong may suhulan.

Base sa impormasyon, iniaalok sa ilang distrito o siyudad ang AICS program ng DSWD, TUPAD ng Department of Labor and Employment at Medical Assistance for Indigent Patients ng Department of Health kapalit ng pagprodyus ng maraming pirma para sa People’s Initiative.

Nanawagan si Pimentel na imbestigahan ito at kinalampag ang PNP, NBI, DILG, Kongreso at maging mga NGOs para matukoy ang katotohanan.

Comelec umamin

Kaugnay nito, kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia noong Martes na humirit ang poll body ng dagdag na pondo para sa pagsasagawa at pangangasiwa nito sa mga halalan, referenda, recall votes at plebisito.

Ginawa ni Garcia ang kumpirmasyon sa gitna ng “word war” sa pagitan nina Albay Rep. Edcel Lagman at House Committee on Appropriations chair, Rep. Zaldy Co ng Ako Bicol Party-list.

Nauna nang sinabi ni Lagman na P12 bilyon ang isiningit sa Bicameral Conference Committee Level Deliberations sa 2024 national budget dahil iginiit niya na ang Charter change initiative na itinutulak ng ilang mayoryang mambabatas, ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P14 bilyon sa ilalim ng national budget para sa 2024.

(May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA at JOCELYN DOMENDEN)

160

Related posts

Leave a Comment