RIZAL – Sasampahan ng kasong sibil ni Mayor Kit Nieto ang ‘di pinangalanang kumpanya na nakabase sa Quezon City, kasama na ang tatlong mga tauhan nito, na nagtapon ng dumi ng tao sa kanal sa kahabaan ng Imelda Avenue sa bayan ng Cainta sa lalawigan.
Nahuli ang tatlo noong Lunes ng hapon, Hulyo 28, na naaktuhang nagtatapon mula sa tangke na nasa loob ng close van, na ayon sa alkalde ay parang wala lang sa mga ito ang ilegal nilang ginagawa.
“‘Yung kanilang way of doing it, naka-close van, tapos ‘yung close van, nandun sa loob ‘yung tank. We were able to apprehend them finally kahapon. ‘Yung iba nagkakaroon kami ng chase, hinahabol pero minsan hindi sila nahahabol,” pahayag ni Nieto sa panayam ng mga miyembro ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps.
“Parang ang feeling nila walang nakakakita. They just parked malapit sa manhole, tapos ilalagay nila ‘yung pipe nila, naka-hose, itatapon nila ‘yung laman. Imagine mo ‘yung health hazard na ginagawa nila. Well, nahuli rin finally, and they are from Quezon City,” dagdag pa ng alkalde.
Sinabi pa ni Nieto na inaresto nila ang tatlo in flagrante delicto at naiharap na sa piskalya matapos ang inquest proceedings dahil sa unlawful excretion, dislodging at hindi paggamit ng treatment facility nila para sa mga nakuha nilang human waste.
“Dapat nag-a-undergo ‘yun ng treatment facility para ma-process mo ‘yung kinuha mong dumi kasi it’s a health risk kung pababayaan na sa kanal mapupunta ‘yan at sa mga imburnal natin,” dagdag pa ng punong bayan.
Batay sa imbestigasyon, ang mga dumi ng tao ay mula sa septic tanks na kinuha sa iba’t ibang establisimyento na kliyente nila na malamang ay mula rin sa iba’t ibang lugar.
Ayon pa kay Nieto, hindi ito ang unang insidente na naiulat sa kanya at sinabing “We were able to apprehend them finally kahapon. ‘Yung iba nagkakaroon kami ng chase, hinahabol pero minsan hindi sila nahahabol,” dagdag pa niya.
Dagdag ni Nieto, ang isasampang kaso ng Cainta LGU ay paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, Republic Act 9275 o Clean Water Act, at Municipal Ordinance on Waste Segregation.
“Maybe P10 million to P15 million ‘yung damage na ipa-file namin just to bring out strongly ‘yung posisyon ng Cainta na ‘wag niyo gagawin ‘yan dito sa amin. Wala naman sa galang o hulog ang inyong ginagawa,” babala ni Nieto.
(NEP CASTILLO)
164 