NAIPIT SA AMONG NAG-AAWAY NAPAUWI NG AKOOFW AT OWWA

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

NAIPIT sa nag-uumpugang bato ang naging kalagayan ni Kimberly Duclayan dahil sa “away mag-asawa” na humantong sa paghihiwalay ng kanyang mga amo.

Ayon sa sumbong na ipina­dala ni Kimberly sa AKOOFW, nakara­ting siya sa bansang Kuwait sa pamamagitan ng Naptron International Manpower Agency noong Setyembre taong 2017. Tapos na ang kanyang kontrata noon pang Setyembre 2021 kaya kung tutuusin ay mahigit na siyang 4 na taon naninilbihan sa kanyang amo na walang uwian o bakasyon.

Sa loob ng panahon na iyon ay hindi na rin nire-renew ng kanyang amo ang kanyang iqama o visa kung kaya lagi siyang nababahala sa tuwing lalabas ng tahanan ng amo dahil posible na rin siyang hulihin ng pulis.

Dahil dito, nakiusap siya sa kanyang amo na kung maaari ay pauwiin na lamang siya sa Pilipinas. Sa kasamaang palad ay napasabay naman sa pag-aaway ng kanyang mga amo na humantong sa paghihiwalay nilang mag-asawa, kung kaya naiwan siya sa bahay ng kanyang among babae. Dahil sa pinili niyang maiwan sa among babae, kinasuhan naman siya ng kanyang among lalaki ng “absconding” o pagtakas sa amo.

Nadala si Kimberly sa Talha Deportation Jail, at dahil dito kung kaya nagdesisyon na si Kimberly na humingi ng tulong sa kanyang kapatid na si April Duclayan na siya naman nagparating sa AKOOFW ng sitwasyon ni Kimberly at ang kahilingan nito na siya ay mapauwi na sa Pilipinas.

Matapos na aking matanggap ang sumbong na ito ay mabilis tayong nakipag-ugnayan kay OWWA Kuwait Welfare Officer Genevieve Aguilar-Ardiente. Mabilis ang naging pagkilos ng ­ating OWWA Welfare Officer Jingle na nakipag-ugnayan agad sa Philippine Embassy’s Assistance to Nationals Unit (ATNU).

Noong May 25 ay ibinalita sa akin ni Welfare Officer ­Ardiente na nadala na si Kimberly sa Talha Deportation at nakatakda rin lumipad sa kaparehong araw. Sa kasalukuyan ay kapiling na ni Kimberly ang kanyang pamilya na labis na nagpapasalamat sa AKOOFW, OWWA at Philippine Embassy sa Kuwait.

***

OFW NAMATAY SA SAUDI, NATULUNGAN MAIUWI SA PINAS

ISANG TAON na ang nakalipas noong dumulog sa AKOOFW ang pamilya ni Sabrina Tarang upang ipanawagan ng tulong ang pagpapauwi ng kanyang labi mula sa Saudi Arabia.

Sa mensahe na ipinadala ng kanyang kamag-anak ay sinabi nito na “Gusto lang po namin na mauwi na po dito ‘yung katawan ng aking kapatid na si Tarang Sabrina Abol, siya po ay pumanaw na noong August 20, 2021, sana po tulungan po ninyo kami makamit ang hustisya para sa kapatid naming namatay. Maraming salamat po”.

Agad tayong nakipag-ugnayan kay Ambassador Adnan Alonto upang hingin ang kanyang tulong.

Ngayong araw ay inaasahan ang pagdating ng bangkay ni OFW Sabrina na lulan ng Emirates Airlines.

Ang AKOOFW ay nakipag-ugnayan sa OWWA E-Care na pinamumunuan ni Dir. Sherylin Malonzo, upang matulungan ang pamilya ni OFW Sabrina na mabilis na mailabas sa cargo terminal ang bangkay nito.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

198

Related posts

Leave a Comment