NAKAKA-DEPRESS

SA mga taong may depresyon, huwag na huwag kayong manood ng international news lalo na kung ang balita ay may kaugnayan sa giyera sa Ukraine dahil lalo kayong made-depress.

Tiyak na sasama lang kasi ang loob niyo kapag napanood niyo ang pagwasak ng Russia sa maraming lugar sa Ukraine, ang pagkamatay ng mga ­inosenteng mamamayan lalo na ang mga bata at panggagahasa sa mga kababaihan.

Lalong nakaka-depress dahil mabagal ang pagdating ng tulong ng Amerika at European Union (EU). Kung baga, saka lang dumating ang tulong kapag nawasak na ng Russian army ang isang lugar at ma­rami na ang namatay.

Kaya kung may depresyon ka, iwasan niyong panoorin ang mga nangyayari sa Ukraine dahil hindi ‘yun makakatulong sa inyong kalagayan lalo na kung kayo ay taong malambot ang puso sa mga bata at matatanda.

Indikasyon ito na walang nananalo sa giyera at ang nai­ipit at nabibiktima ay ang mga sibilyan na walang kalaban-laban sa mga bombang pinakakawalan ng mga sundalo ni Russian President Vladimir Putin.

Sana matapos na ang giyera dahil hindi lamang ang Ukranians ang naaapektuhan kundi ang lahat ng mga tao sa mundo dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Dito sa ating bansa, apektado tayong mga Pinoy sa giyera sa Ukraine dahil sa oil price hikes (OPH) at siguradong made-depress ka kung nagpapakarga ka ng krudo sa inyong sasakyan.

Kung dati ay napapa-full tank mo ang sasakyan mo sa halagang P2,000 hanggang P2,500 ngayon ay hanggang P4,000 na ang magagastos mo kaya mapapailing ka na lang dahil wala ka namang magawa.

Kaya made-depress ka rin sa balitang itinigil na ng Department of Energy (DOE) ang oil exploration sa West Philippine Sea (WPS) na pabor na pabor sa China na hindi lang ang kontrol sa buong South China Sea, ang interes kundi ang langis sa loob ng ating territorial waters.

May mga impormasyon na ang dami ng langis na nakaimbak sa WPS ay kasing dami ng nakaimbak sa Dubai na siyang nagpayaman sa nasabing bansa na puwedeng masolo ng China dahil umaatras ang DOE sa kanilang responsibilidad.

Noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, napilitan siyang i-renew ang Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) matapos matuklasan na niloko ng China ang Pilipinas.

Niloko ng China ang Pilipinas dahil itinago nila sa atin ang lokasyon ng langis sa WPS kaya kahit napaso ang nasabing kasunduan noong 2008 ay ni-renew ito ni Arroyo matapos siyang i-pressure ng mga Pinoy.

Dahil natuklasan na ng China ang lokasyon ng langis, lalo silang naging agresibo sa pag-angkin sa WPS at binale­wala nila ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na ang teritoryo na inaangkin nila ay pag-aari ng Pilipinas.

Ngayong inabandona na ng DOE ang oil exploration, parang isinuko na rin natin ang pagkakataon na umangat ang ating bansa mula sa kahirapan dahil pinakakawalan natin ang mina na dapat sa mga Pinoy lang. Nakaka-depress ang mga lider natin ha.

125

Related posts

Leave a Comment