Nakaligtas sa unang pananambang noong 2017 OPISYAL NG BIÑAN CITY, DOKTOR PATAY SA AMBUSH

PATAY ang secretary ng Biñan City Council at kasama nitong doktor makaraang paulanan ng bala ang kanilang sasakyan sa harap ng isang mall sa Jubilation Road sa nabanggit na lungsod sa lalawigan ng Laguna.

Si Edward Reyes, city council secretary, ay unang nakaligtas sa pananambang, eksaktong tatlong taon na ang nakalilipas.

Sa ulat na ipinarating sa PNP Headquarters sa Camp Crame, nangyari ang insidente sa Barangay San Antonio, Biñan City noong Linggo ng gabi.

Ayon sa hepe ng Biñan City Police na si Lt. Col. Giovanni Martinez, pinagbabaril ng hindi pa kilalang gunman ang kotseng sinasakyan ni Reyes at ni Dr. Don Deocaris bandang alas-7:30 ng gabi.

Kapwa idineklarang dead on arrival sa University of Perpetual Help Hospital ang dalawang biktima.

Kasalukuyang inaalam pa ang pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek sa pagpatay sa mga biktima.

Isa sa mga anggulong sinisilip ng pulisya ay sinasabing inuugnay si Reyes sa naarestong si Ricky Sison Ayub sa serye ng pagpatay sa mga pulis at lokal na opisyal sa Biñan.

Noong Oktubre 4, 2017, eksaktong tatlong taon bago siya napatay, nakaligtas si Reyes kasama ang tatlong bodyguard nang pagbabarilin ang kanilang sasakyan.

Ilang araw pagkatapos noon, namatay sa pamamaril ang isang empleyado ng city hall na dating security staff ni Reyes.

Pinsan si Reyes ng kasalukuyang kinatawan ng Biñan City na si Rep. Len Alonte-Naguiat at ni Biñan City Vice Mayor Gel Alonte.

Anak naman niya si Konsehal Dada Reyes. (JESSE KABEL)

92

Related posts

Leave a Comment