NABISTO ng isang mambabatas ang ilegal na operasyon ng ilang casino sa Metro Manila na nagpapasugal sa mga VIP room o private rooms ng mga ito.
Dahil dito, hiniling ni ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran sa national government na patawan ng mabigat na parusa ang mga casino at iba pang pasugalan na patuloy na nag-o-operate sa gitna ng community quarantine dahil inilalagay ng mga ito sa panganib ang kanilang mga kliyente.
Nauna nang nakatanggap ng mga report ang mambabatas na ilang pasugalan sa Metro Manila ang nananatiling bukas at nagsasagawa ng operasyon kahit ipinagbabawal ito ng gobyerno upang hindi lumala ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Partikular umanong bukas sa mga casino at iba pang pasugalan sa Metro Manila ang kanilang VIP o private rooms.
“I received verified information that a casino in Metro Manila has been receiving customers, mostly senior citizens, despite the order to remain closed under the general community quarantine,” ani Taduran.
Nalaman umano ng mambabatas ang bagay na ito nang magreklamo ang pamilya ng isang 80-anyos na lola na nakakatakas sa kanilang bahay kasama ang mga amiga para magsugal sa mga casino.
“These customers are touching chips and cards and slot machines, unmindful of the probability of catching COVID-19. They won’t be there exposing themselves to the risk of rhe virus if the gambling establishment is not open,” anang mambabatas.
Dahil dito, kailangang ipasara aniya ang mga pasaway na operator ng mga casino dahil lalong nanganganib ang bansa sa pandemya sa COVID-19 na patuloy ang pagdami sa kasalukuyan.
Gayunman, hindi tinukoy ni Taduran ang pangalan ng mga casino sa Maynila na palihim umanong nag-o-operate.
Noong isang linggo, lumutang ang video na kuha sa isang casino matapos atasan ni Mayor Isko Moreno ang Office of Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) na beripikahin ang mga ulat na may mga casino na patuloy ang operasyon.
Ayon kay SMaRT chief P/Major Jun Ibay, ipinatawag ni Mayor Moreno ang mga manager ng mga casino kaugnay ng mga alegasyon.
“Pinagsabihan ni Yorme na bawal pa mag-operate ang casino under GCQ.“
Depensa umano ng mga casino manager, stress test sa kanilang mga makina ang kanilang ginawa at hindi para mag-operate. Bago rin umano nila ito ginawa ay sumulat sila sa city hall para ipaalam ang plano dahil mahigit tatlong buwan nang nakatengga ang mga makina. (BERNARD TAGUINOD)
