NAPAKABULOK ANG IDEYA NG INQUIRER COLUMNIST TUNGKOL KAY ROBREDO (HULING BAHAGI)

UPANG madagdagan ang kaalaman ng kolumnista ng Philippine Daily Inquirer (PDI) na si Richard Heydarian, hayaan ninyong ibahagi ko sa kanya, bilang kawang-gawa, ang mga totoong naganap.

Nang maupo sina Corazon Aquino at Salvador Laurel, ibinalik ng kanilang administrasyon sa mga oligarko ang kanilang mga negosyo tulad ng sa pamilya Lopez.

Ibinalik din ni Aquino sa kapangyarihan ang mga tradisyunal na mga politiko at ang tinatawag na “political warlords” sa estado poder.
Simula sa rehimen ni Aquino, nagsimulang ilatag ng mga taong takam na takam sa pera ang pundasyon ng mapanganib na katiwalian, korapsyon at pandarambong.

Kaya, pagpasok ng rehimen ni Ramos ay dahan-dahang tumindi hanggang naging masahol at sistematiko ang katiwalian, korapsyon at pandarambong sa maraming kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.

Nagpatuloy ito hindi lang sa panahon ni Joseph Estrada, kundi hanggang kina Gloria Arroyo at Benigno Aquino.

Sa panahon ni Noynoy Aquino, ipinanganak bilang politiko si Maria Leonor Robredo na ang palayaw ay “Leni”.

Kinatawan si Leni ng Lungsod ng Naga sa mababang kapulungan ng Kongreso at kasapi ng Liberal Party (LP).

Ngunit, kahit isang beses ay hindi binatikos ni Robredo si Aquino, o pinahagingan man lang na kumilos ito, upang makamit ang Edsa Dream.

Kaya, ang tanong ko ay ano ang kagilas-gilas na batayan ni Heydarian upang ideklarang si Robredo ang siyang magpapatuloy at magkakamit ng mga pangarap ng Edsa kung ang ikinagagalit nang husto ng Heydarian na ito ang sinasabi nitong pagwasak ni Duterte sa naganap sa

Pilipinas noong panahong sina Arroyo at Aquino ang nakapuwesto sa Malakanyang?

Ito ba ang pagpapalakas ng pundasyon at posisyon ng mga oligarko sa lipunan noong panahong sina Arroyo at Aquino ang mga pangulo ng ating bansa?

O, ang pagpapatuloy nina Arroyo at Aquino sa mga naganap mula kay ­Corazon Aquino hanggang Joseph Estrada na pawang mga paghagupit sa mga manggagawa, manggagawang-bukid, magsasaka, mangingisda at iba pa?

O, baka naman ang pagpapalakas ng pag-aari ng pamilya Aquino at pamilya Cojuangco sa Hacienda Luisita sa Tarlac?

O, sabi nga sa ingles: “All of the above”?

Ibinulalas pa ni Heydarian sa kanyang kolum sa Inquirer na kung magwawagi si Robredo sa pagkapangulo ng bansa sa halalang 2022 ay ganito ang mangyayari: “The ultimate key to Robredo’s success, however, will be her ability to communicate a new form of democratic leadership, one that, beyond mere reformism, truly captures the dreams and aspirations of the millions who joined the two Edsa revolts”.

Pokaragat na ‘yan!

Napakabulok na ideya!

Kahit dalawang mukha na parehong duling ang mga mata ng Edsa Uno, hindi mangyayari ‘yang ideya ni Haydarian dahil hindi nga binira ni Robredo ang mga kabuktutan sa termino ni Nonoy Aquino.

Ngayong bise presidente si Robredo ay hindi nga nagtagumpay ang kanyang espesyal na proyektong sinabi niya noon na mapagpasyang hakbang upang maiahon sa napakatinding kahirapan ang napakaraming Filipino.

Nitong nakalipas na taon, napakasipag ni Robredo sa pag-iikot sa maraming lugar na nasalanta ng bagyo.

Sa bawat puntahan niya ay ilang minuto lamang si Robredo, makikipagkamay at kakaway sa ilang residente habang nakatutok ang mga kamera at video, tapos sibat na.

Isiping mabuti ni Haydarian kung anong klaseng “ability to communicate a new form of democratic leadership, one that, beyond mere reformism” mayroon si Robredo kung ganyan ang kanyang mga nagawa.

Sigurado akong wala dahil nang maglungsad ng magkahiwalay na ­sarbey ang dalawang kumpanya nitong nakalipas na Nobyembre hanggang Disyembre 2020 ay parehong kulelat si Leni Robredo.

Kaya, hindi lang kabulukan kundi napakalaking kabalbalan ang mensahe ni Haydarian na ang liderato ni Robredo ay “truly captures the dreams and ­aspirations of the millions who joined the two Edsa revolts”, sapagkat malinaw ang kakapiranggot na porsiyentong ­nakuha ni Robredo sa dalawang sarbey na nagdedeklarang ayaw ng mamamayang Filipino na maging pangulo ang isang dilawang katulad niya.

Sa kanyang kolum, binanggit ni Haydarian ang isang magandang ideya ng Pilosopong Aleman na si G.W.F. Hegel na: “to what final aim these ­enormous [revolutionary] sacrifices have been offered” kung saan ikinabit ito ng nasabing kolumnista sa kyut niyang ­konsepto tungkol sa Edsa Dream.

Walang patutunguhan ang ‘rebolusyong’ tulad ng Edsa Uno at kahit na ang Edsa Dos na nagpatalsik kay Erap Estrada sa mula sa pinakatuktok ng pampulitikang kapangyarihan noong ­Enero 2001 – sapagkat walang ­matinong layunin ang nasabing pag-aalsa para sa masang Filipino.

Ang Edsa Dream ay tungkol sa napakalawak na kalayaan ng mga malalaking kapitalista, mga politiko at mga bagong pangkat ng mga magnanakaw sa pamahalaan.

Hindi kailanman ito kalayaang magbibigay ng napakagandang buhay sa mga manggagawa, manggagawang – bukid, magsasaka, mangingisda, guro, nars, mga mamahayag at iba pa.

Kaya, napakabulok ng ideya ni Richard Haydarian na: “A Leni presidency: Fulfilling the Edsa dream” na, uulitin ko po, siyang pamagat ng kolum ni Haydarian.

177

Related posts

Leave a Comment