NAPAKARAMING pag-aaral ang nagsasabing lumala nang husto ang katiwalan, korapsyon at pandarambong sa panahon ni Gloria Arroyo.
Ganoon din ang paglabag sa karapatang pantao.
Nagpatuloy at tumindi ang mga suliraning ito ng ating bansa nang maging pangulo si Noynoy Aquino.
Napakaraming nakakaalam nito, ngunit hindi ko alam bakit ignorante si Ginoong Richard Heydarian sa mga bagay na ito.
Tapos, binigwasan ni Heydarian si Duterte dahil winasak daw ng pangulong ito ang mga nagawa nina Arroyo at Aquino laban sa katiwalian, korapsyon at pandarambong at paglabag sa karapatang-pantao ng mga Filipino.
Hindi ko alam kung paano ang estilo ni Heydaraian kapag nag-iisip para isulat ang kanyang kolum sa Inquirer.
Ang alam ko, kailangang hindi nakatuntong ang ulo sa simento, o lupa, dahil kapag ganito ay pihadong napakabulok ang ideyang lalabas sa isipan ng isang tao.
Kung palpak ang pagkilala ni Heydarian sa pananaw ng World Bank sa Pilipinas noong panahon nina Arroyo at Aquino, mali na rin ang pagsusuri niya laban kay Duterte.
Walang winasak si Duterte!
Ang nangyari ay nagpatuloy ang paglabag sa karapatang pantao sa panahon ni Duterte.
Itanong pa ni Heydarian kay Bise – Presidente Leni Robredo.
Itanong din niya sa human rights group na Karapatan.
Kung katiwalian, korapsyon at pandarambong naman ang pag-uusapan, walang dudang hindi rin winasak ni Duterte ang mga nangyari laban sa mga ito noong panahon nina Arroyo at Aquino dahil unang-una ay napakasahol sa kanilang panahon ang nasabing mga krimen.
Ngayon, babalikan ko ang iwinasiwas ni Heydarian na si Robredo ang magsasakatuparan ng Edsa Dream.
Ano ba ang natupad sa panahon nina Arroyo at Aquino tungkol sa pangako ng Edsa Uno na kailangang muling isulong, ipaglaban at kamtin ni Robredo kung maging pangulo ito mula Hunyo 30, 2022 hanggang Hunyo 30, 2028?
Sa kanyang kolum, binanggit ni Heydarian ang hiniram niyang isa sa mga importanteng ideya ni Karl Marx tungkol sa pag-aalsa ng mamamayan.
Ganito ang isinulat ni Heydarian: “The upshot was worse than irony — a living and breathing mockery of the spirit and goals of the Edsa revolt. For almost three decades, Philippine elections resembled what Karl Marx described as a political circus, whereby the “oppressed are allowed once every few years to decide which particular representatives of the oppressing class are to represent and repress them.”
Hindi naintindihan ni Heydarian ang aral ni Marx na noong Ika-19 na Siglo pa niya itinuro at ipinalaganap.
Sa pagsipi ni Hedarian kay Marx, dapat matalas na naisip at natuklasan ng kolumnista ng Inquirer na si Richard Heydarian na masama ang tunay na nilalaman at layunin ng Edsa Uno na pinamunuan ni Corazon Aquino.
Kung hindi niya alam at hindi naintindihan ang pangyayaring naganap noong Pebrero 1986, ang nasabing pag-aalsa ay pag-agaw ni Juan Ponce Enrile sa pampulitikang kontrol sa pamahalaan mula kay Ferdinand Marcos.
Kaya, hindi ‘yan pag-aalsa ng mga “oppressed” na sinabi ni Marx.
Ang Edsa Uno ay pag-aalsa ng mga naghaharing – uri kung saan ginamit ang mga napagsamantalahang mamamayan.
Pumayag at sumuporta ang mamamayan sa pag-aakalang interes at kagalingan nila ang isinulong at ipinaglaban nina Enrile at Fidel Ramos.
Ipaalala ko kay Heydarian ang sinapit ng pangkat ni Enrile nang mapalibutan sila ng mga sundalo habang nasa loob ng Camp Emilio Aguinaldo, dahilan upang kumbinsihin ni Enrile si Ramos na sumanib sa kanya.
Nang mabisto ni Marcos ang kudeta nina Enrile at Ramos, naobliga ang dalawa na gawing pag-aalsa ng mga napagsamantalahan ang kanilang sinimulan.
Nakumbinsi nila si Corazon Aquino dahil pabor na pabor ito sa kanyang uri na panginoong maylupa.
Syempre, pabor na pabor din sa mga oligarko at kapitalista.
Dahil dito, naging pangulo si Aquino at pangalawang pangulo naman si dating Senador Salvador “Doy” Laurel.
Itanim ni Heydarian sa kanyang isipan na kailanman ay huwag niyang gamitin si Karl Marx Marx upang isulong ang ideyang si Leni Robredo, o sinuman, ang magpapatuloy, makikipaglaban at magkakamit ng mga pangarap at layunin ng Edsa Uno, sapagkat napakalaking kalapastanganan at pambababoy ito kay Marx.
Hindi porke nagsusulat si Richard Heydarian sa Inquirer ay absoluto ang kalayaan niyang talakayin at ipakalat ang ideyang napakabulok tungkol kay Robredo, o kanino man.
Hindi porke ingles ang gamit niyang lenggwahe ay gagamitin niya si Karl Marx upang palabasing matalas at mahusay siyang mag-isip.
Tandaan ng sinuman na ang pagsusulat ay hindi pagpapasikat sa mga taong marurunong ng ingles.
Ito ay pamamahagi ng mga ideya at pagsusuri na pawang wasto, napapanahon, makabuluhan at mayroong mapakikinabangan ang pinakamalaking bilang ng mamamayan, lalo na ang mga pangkaraniwang tao. (Itutuloy)
