OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
SA wakas ay nalagdaan na rin ni Pangulong Bongbong Marcos ang SIM Card Registration Act, pagkaraan ng ilang taon na ring pagkaantala nito dahil na rin sa mga walang kuwentang argumento ng ilang sektor na kontra sa nasabing batas.
Ang ilan sa mga grupong kontra na maisabatas ito ay ang mga makakaliwa na human rights crusaders kuno, at siyempre iyong mga kriminal na gumagamit ng mga pekeng pangalan at accounts para makapanloko ng mga inosenteng biktima.
At dahil nga matindi ang lobbying nila gamit ang argumento na kapag naisabatas ang SIM Card Registration Act ay magagamit ito ng gobyerno para matiktikan ang mga inaaakala nilang kalaban ng pamahalaan, kaya naman nabalam ang pagsasabatas ng panukala.
Teka nga muna, ‘di ba tungkulin naman talaga ng gobyerno na protektahan at siguruhin ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan at ng buong bansa laban sa masamang mga gawain at panggugulo ng mga terorista?
Hinggil naman sa mga nagsasabi na maaaring ma-invade ang privacy ng mamamayan, eh, ‘di ba wala naman dapat ikatakot ang mga ordinaryong tao kung wala naman silang ginagawang masama?
In fact, hindi naman na bago ang pagbibigay natin ng mga importanteng detalye ng ating personal na buhay.
Ginagawa natin ito kapag nag-apply tayo sa trabaho, kapag nagbubukas tayo ng bank accounts o ‘di kaya nag-a-apply tayo ng loan sa private at government financial institutions.
Kaya naman, wala talagang dahilan para hindi maisabatas ang SIM Card Registration Act.
At binabati natin si PBBM dahil minsan pa ay pinatunayan niya na talagang ang interes ng higit na nakararaming mamamayan ang kanyang kinikilingan at hindi ng iilan lamang.
Sapagkat naisabatas na nga ang SIM Card Registration Act ay malaking bagay ito upang matuldukan na rin ang masasamang gawain ng mga kriminal at scammers na gumagamit ng mobile devices para makapanloko.
Dahil kasi sa batas na ito ay obligado na ang mamamayan na iparehistro sa kanilang pangalan ang mga numerong ginagamit nila sa kanilang cellular units.
Sa kasalukuyang umiiral kasing sistema ay puwedeng bumili at gumamit ng kahit ilang SIM cards ang kahit na sino na hindi kailangang magdeklara ng kanyang pagkakakilanlan.
Nagiging dahilan tuloy ito upang magamit ng mga kolokoy sa kalokohan at pagsasamantala sa mga inosenteng biktima.
Pero dahil sa bagong batas na ito ay tiyak matutuldukan na ang mga kalokohan sapagkat tiyak na matutukoy na ng mga awtoridad ang mga may-ari ng numerong ginagamit sa mga scam.
Kaya naman dapat lang na maipatupad na agad ang batas na ito para matigil na ang mga kriminal sa kanilang masamang gawain.
211
