(FERNAN ANGELES)
MINSAN pa’y pinatunayang may piring ang hustisya – kesehodang miyembro pa ng fraternity group na kinabibilangan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang akusado. Gayunpaman, parang may kulang.
Sa 122-pahinang desisyong ipinalabas ng Sandiganbayan Sixth Division nito lamang nakaraang Biyernes, sentensiyado ang dalawang dating matataas na opisyal ng isang ahensiyang kilala sa katiwalian at ang kasador na dating pulis.
Sapul sina former Deputy Immigration Commissioners Al Argosino at Michael Robles ng sintensiyang habambuhay na pagkakakulong para sa plunder at karagdagang anim hanggang 10 taon naman para sa graft. Diskwalipikado na rin sina Argosino at Robles sa anomang posisyon sa pamahalaan – elective office man o appointive position.
Sa isa pang desisyon, hinatulan din ang dating pulis na si Wenceslao Sombero Jr. na siyang nagsilbing kasador sa P50-milyong pangingikil kay Chinese gaming tycoon Jack Lam limang taon na ang nakararaan. Si Sombero ay ang pangulo ng Asian Gaming Service Provider Association Inc., isang grupo ng mga negosyante sa likod ng mga kilalang pasugalan.
Batay sa mga testimonya sa korte, lumalabas na sina Argosino at Robles na sinasabing mga fraternity brother ng pangulo sa Lex Talionis Fraternity, ay humingi ng P50 milyon mula kay Jack Lam bilang kapalit sa pagpapalaya ng 1,316 Chinese nationals na nasa bansa nang walang kaukulang dokumento. Ang mga nasabing Chinese national ay dinakip ng mga operatiba ng Bureau of Immigrations sa Fontana Resort sa loob ng dating Clark Air Base.
Inaresto ang 100 katao, kabilang ang mga menor de edad at lehitimong turista.
Aminado naman ang dalawang dating immigration officials na tinanggap nila ang P50 milyon mula kay Lam sa pamamagitan ng isang kasador na kalaunan ay kinilalang si Sombero.
Gayunpaman, naging tikom ang bibig nina Argosino at Robles na ikanta ang mastermind sa nasabing pangingikil sa kilalang gaming tycoon mula sa Tsina.
Walang bakas ni Aguirre
Bago pa man sinampahan ng asunto sina Argonsino at Robles at lumutang ang pangalan ng noo’y Justice Secretary Vitaliano Aguirre na una nang napaulat na tumanggap ng higit pa sa P50 milyon mula kay Lam. Ang Bureau of Immigration ay nasa pangangasiwa ng DOJ na noo’y pinamumunuan ni Aguirre, na tulad nina Argosino at Robles ay isa ring miyembro ng Lex Talionis Fraternity.
Sa kainitan ng kontrobersiya, dinepensahan ng dating DOJ Secretary sina Argosino at Robles. Ani Aguirre, hindi maaaring kasuhan ng plunder ang kanyang mga tauhan dahil hindi sapat ang salaping nakuha sa kanila.
Giit pa ng dating Kalihim, hindi pasok sa kasong plunder sina Argosino at Robles dahil P49,999,000 lamang ang natanggap ng kanyang mga tauhan mula kay Lam.
Sa ilalim ng batas, maaaring sampahan ng capital offense na plunder ang sinoman kung aabot sa P50 milyon ang halagang nakulimbat.
Sinegundahan naman ito ng National Bureau of Investigation, isa pang tanggapan sa ilalim ng ahensiyang pinamumunuan ni Aguirre. Rekomendasyon ng NBI
noong mga panahong iyon, sampahan ng kasong graft at direct bribery sina Argosino at Robles.
Subalit binalewala ito ng noo’y Ombudsman Conchita Carpio Morales na nagsulong ng kasong plunder laban sa mga akusado.
Inabswelto ng Senado
Napag-alaman ding nakipagpulong pa si Aguirre kina Lam at Sombero ilang oras bago pa naganap ang pagtanggap nina Argosino at Robles ng P50 milyon mula sa dating pulis na inatasang magdala ng pera sa City of Dream sa Parañaque City kung saan naghihintay ang dating Immigration officials.
Sa laki ng eskandalong kinasangkutan ng Bureau of Immigration, naobliga ang Senado na magsagawa ng “investigation in aid of legislation,” noong Marso 2017. Pinangunahan ni Senador Richard Gordon ang Senate probe bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa pag-iimbestiga ng Senado, wala naman aniyang makitang dahilan si Gordon para kaladkarin pa ang pangalan ni Aguirre sa kanilang inirekomendang sampahan ng kaso.
Hindi na rin inirekomendang maharap at managot sa asunto ang Tsinong gaming tycoon, bagamat may mga dapat pang panagutan si Lam sa Department of Labor and Employment – hinggil naman sa mga inarestong Chinese nationals na nakapuslit sa bansa kahit walang kaukulang dokumento.
Ex-PNP chief, hagip din
Guilty rin ang hatol kay dating Philippine National Police (PNP) Chief General Jesus Verzosa kaugnay sa maanomalyang pagbili ng police rubber boats (PBR) na nagkakahalaga ng mahigit P130 milyon.
Sa 88-pahinang desisyon ng anti-graft court Third Division ng Sandiganbayan, hinatulan na makulong ng anim hanggang walong taon si Verzosa, at iba pang opisyal ng PNP na sina dating Police Chief Supt. Benjamin Belarmino Jr., Jefferson Soriano, na siyang alkalde ngayon ng Tuguegarao City; Villamor Bumanglag, Luizo Ticman at Romeo Hilomen.
Bahagi rin ng hatol ang disqualification ng mga isinakdal sa paghawak ng anomang posisyon sa gobyerno.
Base sa record ng Sandiganbayan, nasa kabuuang P131.5 milyon halaga ang mga biniling 75-unit ng PBR at 93-unit naman para sa Outboard Motors (OBMs) mula sa kumpanyang EnviroAire Inc., Geneve SA Philippines, at Bay Industrial Philippines Corp.
Naging basehan ng desisyon ay ang kabiguan ng supplier na tupdin ang technical specifications ng mga nasabing kagamitang binili ng PNP na noo’y pinamumunuan ni Versoza.
Hindi na kasi binusisi
Batay sa desisyon, hindi akma sa itinakdang specifications ng National Police Commission (Napolcom) ang mga produktong ibinigay ng mga supplier at hindi rin “functionally compatible.”
“The accused NHQ-BAC officials recommended the award of the supply contract to co-accused Verzosa, who approved the same. Hence, all the accused are responsible for the functional incompatibility of the PRBs and OBMs delivered,” pahayag ng Sandiganbayan.
“Verzosa should have noticed the financial weakness of the suppliers and functional incompatibility of the PRBs and OBMs. Instead, he kept silent. His actions show manifest partiality toward the ineligible suppliers,” dagdag pa sa desisyon.
Si Associate Justice Bernelito Fernandez ang nagponente ng desisyon na inayunan naman nina Associate Justices Amparo Cabotaje-Tang at Ronald Moreno.
Samantala, inabswelto naman sa kaso si dating Police Director Ronald Roderos, miyembro ng PNP National Headquarters (NHQ)-Bids and Awards Committee (BAC).
Nabasura rin ang kaso laban sa dating miyembro ng BAC na si Police Chief Superintendent Herold Ubalde dahil na rin sa kanyang pagpanaw.
189
