IDINEKLARA ni Senador Richard Gordon na mayroong iregularidad ang P500 milyong halaga ng kontrata ng Land Transportation Office (LTO) sa isang pribadong kumpanya tungkol sa turnilyong gagamitin sa mga plaka ng motorsiklo noong 2013.
Ang pahayag ni Gordon ay batay sa kanyang nadiskubre nang imbestigahan ng Senate Committee on Good Government o Blue Ribbon Committee, ang LTO hinggil sa mga proyekto nito kaugnay sa pagpapatupad ng umiiral na batas.
Ang P500 milyong halaga ng turnilyo ay gagamitin sana sa mga plaka ng mga motorsiklo simula noong 2013 ngunit naudlot ang proyektong bagong plaka.
Sabi ni Gordon, nakipagkasundo ang mga opisyal ng LTO sa isang kumpanya para sa mga turnilyo ng plaka noong 2013.
Inaasahang mababawi ang puhunan at magkakaroon ng kita sa turnilyo dahil babayaran ng mga may-ari ng mga motorsiklo ang turnilyo na kasama sa bayad sa plaka ng nasabing sasakyan.
Nabatid sa imbestigasyon na madaling masira ang mga turnilyo.
“Imagine how they (LTO officials) tried to make money with screws. Anyone would have just bought any kind of ordinary screws, but in this case, [vehicle owners] were obliged [to buy the so-called LTO screws],” hambalos ni Gordon.
“This really boils down to graft and corruption, and I can say this early that that will be our recommendation, because they caused undue injury to all parties: motorcycle riders, the consumers”, patuloy ng mambabatas.
Isasama ng Blue Ribbon Committee ang pandaraya ng LTO sa turnilyo, sa mga kasong katiwalian at korapsyon na irerekomenda nitong isampa sa sangkot na mga opisyal at kawani ng LTO.
Ang LTO ay isa sa mga notoryus sa larangan ng katiwalian at korapsyon na tinumbok ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, na ipalilinis niya kay LTO Administrator Edgar Gavante. (NELSON S. BADILLA)
298 