Nasugatang misis, iginanti OBRERO KINATAY NG KAPITBAHAY

CAVITE – Hindi umabot nang buhay sa ospital ang isang 33-anyos na construction worker nang pagsasaksakin ng kapitbahay na nagalit nang tamaan ng kutsilyo ang kaliwang hita ng misis nito dahil sa pag-aaway ng biktima at ng kanyang misis sa bayan ng Silang sa lalawigang ito.

Isinugod sa Estrella Hospital ang biktimang si Jomail Cumayat, ng Brgy. Biga 1, Silang, Cavite ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng mga saksak sa katawan.

Nilalapatan naman ng lunas sa Silang Specialist Medical Center si Nanette Zamora, 44, live-in partner ng suspek na si Roger Mabag, isa ring construction worker at kapitbahay ng biktima.

Ayon sa ulat ni Corporal Ramil Legaspi ng Silang Municipal Police Station, dakong alas-9:30 ng gabi noong Huwebs nang mangyari ang insidente sa harap ng bahay ni Cumayat nang magtalo ang biktima at ang live-in partner nito na si Irene Ladiao, 27-anyos.

Dumampot umano ng kutsilyo ang biktima, iwinasiwas at tinarget ang isang gallon ng tubig ngunit tumama sa kaliwang hita ng live-in partner ng suspek na si Nanette na naroon sa lugar.

Nang nalaman ng suspek ang nangyari sa asawa, nagalit ito at sa bugso ng damdamin ay sinugod ang biktima at pinagsasaksak ito.

Kapwa isinugod sa ospital ang biktima at asawa ng suspek ngunit hindi umabot nang buhay si Cumayat. (SIGFRED ADSUARA)

148

Related posts

Leave a Comment