111 KATAO NALASON SA PAYOUT NG PULI AT LK SA QUEZON

SA hindi pa mabatid na kadahilanan, mahigit 100 katao kabilang ang ilang empleyado ng pamahalaang panlalawigan ang naging biktima ng food poisoning habang ginaganap ang isang malaking pagtitipon sa Quezon Convention Center kamakalawa.

As of 9pm, Martes, napag-alaman na umaabot na sa 111 ang bilang ng mga nalason na dinala sa Quezon Medical Center sa lungsod ng Lucena.

Ang mga ito ay pawang kaanib ng Provincial Union of Leaders against Illegalities (PULI) at ng Luntiang Katipunero (LK) at nagmula pa sa mga bayan ng Infanta, Tagkawayan, Tiaong, Calauag, Guinayangan, San Francisco, Dolores, Pagbilao, Lucban, Atimonan, Perez, Panukulan, Candelaria, Mauban, Lopez, Sariaya, Plaridel, Burdeos, Perez, Polillo, Sariaya, Quezon, Quezon, lungsod ng Lucena at Tayabas.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente habang nagaganap ang payout ng honorarium sa may apat na libong kasapi ng PULI at LK.

Makaraang mag-almusal ng pritong itlog, hotdog at kanin, bigla umanong nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa nagsuka ang mga biktima.

Ang mga ito ay isinugod sakay ng mga ambulansya sa Quezon Medical Center kung saan sila ay in-admit sa mga kwarto na noon ay pinaglagyan ng COVID patients matapos lapatan ng paunang lunas.

Sa kanyang Facebook account, humingi ng paumanhin at pang-unawa si Governor Danilo Suarez sa mga nalason at sinabing isolated cases lamang ang mga ito.

Kaugnay nito, malakas ang mga alegasyon na ang LK at PULI ay ginagamit ng mga Suarez sa kanilang pamumulitika, bagay na kanila namang pinabubulaanan.

Samantala, inaalam pa ang katotohanan sa likod ng ulat na ang catering services na ginamit sa okasyon ay pag-aari diumano ni Tina Talavera na siyang umaaktong hepe ng Provincial General Services Office.

9

Related posts

Leave a Comment