2 TAONG PROBATIONARY SA MANGAGAGAWA, ‘DI PAPASA SA SENADO 

titosotto

(Ni DANG SAMSON-GARCIA)

MALABONG makakuha ng suporta sa Senado ang ipinapanukala sa Kamara na gawing dalawang taon ang probationary period sa mga manggagawa bago sila maging regular sa trabaho.

Mismong si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang naggiit na hindi tama ang naturang panukala kasabay ng pagsasabing kahit isang buwan lang ay kaya nang matukoy ng kumpanya kung nararapat ang isang empleyado na maging regular worker.

“Hindi tama yun. Kung tutuusin isang  buwan ka lang nagtatrabaho o dalawang buwan alam mo kung kwalipikado o hindi,” diin ni Sotto.

Iginiit ni Sotto na mismong siya ay hindi pabor sa panukala kaya posible itong maharang kung aakyat sa Senado.

Una nang inihain ni Probinsyano Ako party-list Representative Jose “Bonito” Singson Jr. ang House Bill 4802 na nagsasabing hindi sapat ang anim na buwang probationary employment period sa ilalim ng Labor Code upang ma-assess ang isang empleyado kung kwalipikado para sa regularization lalo na sa trabahong nangangailangan ng specialized skills at talents.

Kinontra na ito ni Labor Secretary Silvestre Bello kasabay ng pagbibigay-diin na maaari namang magkaroon ng apprenticeship agreement ang employer at empleyado matapos ang anim na buwang probationary period.

“Under the Labor Code, puwede naman ‘yung longer period provided there is an agreement that after six months there is an apprenticeship agreement between employer and employee. Magtatrabaho ka pa rin pero hindi ka pa rin regular, pero may special agreement,” diin ni Bello.

261

Related posts

Leave a Comment