NASA 20,000 katao na naninirahan sa paanan ng Mt. Mayon, saklaw ng 6-kilometer permanent danger zone ang inilikas kahapon, araw ng Biyernes sa gitna ng patuloy ipinakikitang pag-aalburuto ng bulkan.
Ayon kay Eugene Escobar, head ng research division ng Albay Public Safety and Management Office (APSEMO), pinasimulan na nila ang preemptive evacuation ng mga pamilya sa mga siyudad at munisipyo sa paligid ng bulkan.
Nabatid na inaantabayan na lamang ng local office ng Civil Defense at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Albay ang posibilidad na itaaas pa ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert 4 ang status ng bulkang Mayon .
Dahilan para umakyat na sa mahigit 20,000 residente na naninirahan sa paligid ng danger zone ang inilikas na sa mga paaralan, gymnasiums, at mga tent sa gitna ng bantang major eruption.
Nauna nang nagsagawa ng preemptive evacuation ang Legazpi City Para sa kanilang mga residenteng naninirahan sa loob ng 6 kilometer permanent danger zone
Nasa 10,000 hanggang 14,000 individuals o nasa mahigit 4,000 pamilya ang kailangang ilikas sa bahagi ng Daraga, Albay.
Pinangangambahan na itaas sa Alert Level 4 ang Bulkang Mayon sa mga susunod na oras dahil sa nakikitang mabilis na aktibidad nito kung saan nakapagtala na ng mahigit 200 rock fall nitong Biyernes.
Ayon kay Dir. Teresito Bacolcol, Officer-in-Charge ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ilan sa kanilang palatandaan na dapat nang itaas ang alerto ang bulkan ay ang pagtaas ng ibinubugang asupre, paglabas ng mahabang lava flow, mayroong volcanic earthquakes, namamaga ang gilid ng bulkan at nakararanas ng minor explosions.
Noong Huwebes lang nang itinaas sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon dahil sa mga aktibidad nito.
Paliwanag ni Bacolcol, kapag itinaas sa Alert Level 4 ang Bulkang Mayon, lumalawak din ang permanent danger zone nito na mula sa kasalukuyang 6 kilometer permanent danger zone ay magiging 8 kilometers ito.
Ibig sabihin nito, kailangan lumikas ang mga residenteng nasa 8 kilometers permanent danger zone dahil malaki ang posibilidad na pumutok ito.
Simula Huwebes ay inihanda na ang mga evacuation center para sa gagawing paglikas.
Kaugnay nito, napag-alaman na dalawa hanggang tatlong araw lang sasapat ang pondo ng mga LGU lalo na sa pagpapakain sa mga evacuee.
Matapos nito, ang provincial government na ang sasalo kung saan aabot sa 10 hanggang 14 araw ang kayang maibigay sa mga evacuee.
Sakaling lumampas na dito, hihingi na ang provincial government ng tulong mula sa national government.
Matatandaang itinaas Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang bulkan dahil sa sunod-sunod na rock falls at pyroclastic density currents nito.
“Pag meron na nitong volcanic hazard na ito, ibig sabihin nito ay meron na tayong mainit na magma o lava na pumapalit doon sa mga lumang bato sa ibabaw ng Mayon.
May bahagyang pagbilis ng extrusion rate o paglabas ng naninigas na lava mula sa bunganga ng bulkan,” saad ni Maria Antonia Bornas, chief science research specialist ng naturang ahensya. (JESSE KABEL RUIZ)
226