4 OPISYAL KAKASUHAN SA SUGAR FIASCO

INIREKOMENDA ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kasong administratibo at kriminal ang isang dating undersecretary ng Department of Agriculture (DA) at tatlong opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kaugnay ng kontrobersyal na sugar fiasco.

Sinabi ni Senador Francis Tolentino, sa 17 miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee, 14 ang bumoto na sampahan ng kaso si dating DA Usec. Leocadio Sebastian, dating SRA Administrator Engr. Hermenegildo Serafica, Atty. Roland Beltran at Aurelio Gerardo Valderrama Jr. dating board members ng SRA.

Sa binasang committee report ni dating Deputy Ombudsman for Luzon Gerard Mosquera, ang tumayong legal counsel ng komite, kabilang sa rekomendasyon na isampa laban sa nasabing mga opisyal ay kasong administratibo tulad ng Serious dishonesty, Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty, Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service at Gross Insubordination.

Habang sa kasong kriminal, paglabag sa Sec. 3A at Sec. 3E ng Republic Act 3019 o Anti Graft and Corruption Practices Act, paglabag sa probisyon ng RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016; Usurpation of Official Functions to be Fined and Penalized under RA 177 ng Revised Penal Code ang isasampa.

Hiniling din ng komite sa Bureau of Immigration (BI) na magpalabas ng lookout bulletin laban kina Sebastian, Serafica, Beltran, at Valderrama Jr. (NOEL ABUEL)

142

Related posts

Leave a Comment