MATAPOS bigyan ng clearance ng mga doktor, balik-trabaho na si Interior and Local Government Secretary Eduardo M. Año.
Opisyal nang bumalik sa kanyang trabaho sa DILG si Año matapos ang extended leave of absence na nagsimula noong Enero 2021.
Ito ay dahil dalawang beses nagpositibo ang kalihim sa COVID-19.
Bagama’t work from home muna si SILG Año ay nakipagpulong na ito kahapon ng umaga kasama ang mga opisyal ng kagawaran.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya nagsimula noong Enero ang leave of absence ni Año bilang bahagi ng kanyang recovery sa COVID-19.
Nauna nang pinalawig ni Año ang duration ng kanyang leave of absence noong Pebrero at pinalawig muli hanggang Marso.
Sa kanyang medical check-up noong Enero, pinayuhan ng kanyang mga doktor si Año na maghinay-hinay muna sa trabaho at magpahinga sa mga stressful activities sa kagawaran, National Task Force COVID-19 at maging sa IATF-EID.
New PNP spox
Samantala, nagtalaga kahapon ang pamunuan ng Philippine National Police ng bagong PNP Spokesperson na magsisilbi ring PNP-Public Information Office chief kapalit ni P/Brig. General Ildebrandi Usana na nakatakdang magretiro sa serbisyo.
Opisyal na itinalaga ni PNP Chief Police General Debold Sinas bilang bagong PNP Spokesperson si Police Brigadier General Ronaldo Olay at concurrent chief ng Public Information Office (PIO).
Papalitan ni Olay si Usana na magreretiro sa Abril 20, 2021.
Sa kanyang pagpapaalam sa mga kasapi ng media kahapon, sinabi ni Usana na siya ay magsa-sign-off na para bigyang-daan ang panunungkulan ni Gen. Olay na mas magaling na opisyal habang siya ay nasa non-duty status muna.
Nabatid na mistah ni Olay ang kasalukuyang spokesman ng Armed Forces of the Philippines na kapwa niya miyembro ng Philippine Military Academy “Bigkis-Lahi” Class 1990.
(JESSE KABEL)