Anomalya sa cash-for-work program sa Quezon City TESTIGO KONTRA SOLON LULUTANG

0

NAGPAHAYAG ng kahandaang humarap at magbigay patunay sa husgado ang mga residente ng isang barangay sa isang distrito sa Quezon City kaugnay ng umano’y anomalya na nagdadawit kay 2nd District Rep. Precious Hipolito-Castelo at asawa nitong konsehal ng lungsod.

Pagtitiyak ni Barangay Holy Spirit chairman Felicito Valmocina, bukod sa kanilang mga residente, posible rin aniyang lumutang ang iba pang indibidwal mula sa mga karatig barangay na nagamit sa anomalya sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged (TUPAD).

Giit pa ni Valmocina, apat na barangay pa mula sa District 2 ng lungsod ang nakatakdang lumabas para magbigay ng kanilang salaysay para patunayan ang nasabing katiwalian sa TUPAD.

Kabilang aniya sa mga maglalahad ng kani-kanilang testimonya ay magmumula sa barangay ng Bagong Silangan, Batasan Hills, Commonwealth at Payatas na pawang pasok sa distritong kinakatawan ng mag-asawang Castelo sa Kongreso at konseho.

Paratang ni Valmocina, kinakaltasan ng mga taong nagpakilalang mula sa tanggapan nina Castelo ang dapat sana’y matatanggap ng mga benepisaryo sa ilalim ng nasabing programa.

Sumingaw ang anomalya makaraang tumanggi ang hindi bababa sa 100 residenteng benepisaryo mula sa Barangay Holy Spirit na kaltasan ang perang nakalaan para sa kanila. Ani Valmocina, nagsimula ang nasabing kalakaran taong 2015 sa panunungkulan ng lalaking Castelo bilang kinatawan sa Kongreso.

Giit pa ng Kapitan, mistulang raket ang programa dahil wala naman aniya talagang mga boluntaryo sa ilalim ng TUPAD na naglilinis sa kanilang barangay. Paliwanag pa niya, pinapipirma lamang ang mga kunwaring boluntaryo ng TUPAD sa tuwing araw ng sahod. Sa halip na P14,500 – P16,000 kada benepisaryo, halagang P1,000 hanggang P3,000 lamang ang ibinibigay nito sa tao pagkatapos lumagda sa payroll. (JOEL AMONGO)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment