HINILING ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa lahat ng lider na nakiisa sa 36th ASEAN Summit na iwasan dagdagan pa ang tensyon sa usapin ng South China Sea.
Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi nito na makabubuting ang lahat ay sumunod sa kanilang responsibilidad sa ilalim ng international law, lalung-lalo na sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea.
Hinimok ng Pangulo ang lahat ng bansa na sumunod sa rule of law at sa mga commitment aniya nila sa international instruments kasama na ang 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.
“Well, kagaya po ng talumpati ng ating Presidente, iyong ibang Heads of State po ay nagsalita rin sa mga bagay-bagay na sa tingin nila na pinakaimportante ngayon sa ASEAN,” ayon kay Sec. Roque.
At kagaya aniya ng sinabi ng Pangulo ukol sa COVID-19 na talagang pinakaimportanteng subject o paksa na tinalakay ng Heads of States.
Ang naging panawagan aniya ng marami sa mga lider na nakiisa sa Summit ay mas paigtingin pa ang economic integration dahil ito ang susi para magkaroon ng mas mabilis na recovery sa COVID; magkaroon ng common responses pagdating sa containment ng sakit na ito; pag-resort sa digitalization dahil nga aniya napatunayan na pupuwede naman palang magpatuloy ang mga negosyo sa pamamagitan ng digital means; at kung pupuwede nang buksan sa rehiyon ang business travel subalit “subject to quarantine and other health restrictions.” CHRISTIAN DALE
