AYON SA PINAKAHULING SURVEY NG SWS: ‘CHINESE WORKERS A SECURITY THREAT’

CHINESE WORKERS

(PeryodikoFilipino Reportorial Team)

SUMASANG-AYON ang mga Filipino na banta sa pangkalahatang seguridad ang dumaraming Chinese nationals na nagtatrabaho sa Pilipinas.

Batay sa pinakahuling nationwide poll ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Setyembre 27-30 sa may 1,800 adults, 27% ang mariing sumasang-ayon at 25% ang bahagyang sumasang-ayon na ang dumaraming Chinese nationals na nagtatrabaho sa bansa ay banta sa pangkalahatang seguridad.

Naitala rin na karamihan sa mga Pinoy ay naaalarma sa dumaraming bilang, kung saan nasa 31% ang nagsabi na labis silang nag-aalala, 39% ang medyo nababahala, 19% ang hindi masyado, at 11% ang hindi nababahala.

Samantala, lumilitaw rin sa survey na ang pinakamataas na proportion ng mga nababahalang Pinoy sa pagdagsa ng Chinese nationals na nagtatrabaho sa bansa ay nasa Metro Manila na pumalo sa 75%. Umabot ng 71% sa Visayas, ang nalalabing bahagi ng Luzon ay 69% at sa Mindanao naman ay 67%.

Sa survey ng SWS, lumabas din na ang Chinese workers ay ‘most visible’ sa Metro Manila na may 43%, sinusundan ng Visayas na nagtala ng 37%, sa Luzon ay 28%, at sa Mindanao ay 19%.

Sa resulta ng survey, ang net agreement ng dumaraming bilang ng Chinese workers ay isang banta sa pangkalahatang seguridad ng bansa ay pinakamataas sa Metro Manila sa “very strong” +38, sa nalalabing bahagi ng Luzon sa “moderately strong” +27, sa Mindanao na “moderately strong” +21, at Visayas na “moderately strong” +15.

Ang pagkaalarma ng mga Pinoy sa paglobo ng mga Chinese worker ay hiwalay pa sa usapin ng matinding pagkabahala ng mga mambabatas, negosyante at iba’t ibang sektor sa pangamba ng posibleng pag-eespiya at iba pang security risks sa pinasok na kasunduan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Dito Telecommunity Corporation o dating Mislatel, na itinuturing ngayong ikatlong telecommunications player ng bansa.

Patuloy na kinukuwestyon ang probisyon ng kasunduan na nagbigay ng pahintulot sa consortium na binubuo ng Udenna Corporation at China Telecom na magtayo ng system, towers at facilities sa loob mismo ng mga base ng militar.

Matindi rin ang pagtutol ng mga mambabatas, non-governmental organizations at iba’t ibang sektor sa pangamba ng posibleng pagkontrol ng China sa power grid ng bansa dahil sa halos 40% ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay pagmamay-ari ng State Grid Corporation ng China.

Matatandaan na kamakailan ay napaulat na may kapasidad umano ang China na kontrolin ang supply ng kuryente sa bansa sa pamamagitan lamang ng remote control.

Dagdag pa sa itinuturing na pinakamalaking banta sa seguridad ng bansa ang patuloy na pagtatayo ng China ng mga istruktura sa teritoryo sa bahagi ng West Philippine Sea.

133

Related posts

Leave a Comment