TILA nauuwi na sa personalan ang hidwaan ng mga kongresista sa Bicol na nagsimula sa pagsusulong ng Charter change (Cha-cha) at lumala pa dahil sa halos P450 billion unprogrammed funds na isiningit sa Bicameral Conference committee.
Kahapon ay binuweltahan ni AKO Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, chairman ng House committee on appropriations si Albay Rep. Edcel Lagman kaugnay ng kasong isinampa ng huli sa Korte Suprema ukol sa pinalobong unprogrammed funds.
“When he (Lagman) was a member of the Bicameral Conference Committee in 2023 he also approved unprogrammed funds of the same amount as 2024,” ani Co.
Sinabi ng kongresista na sa nakaraang 15 taon na miyembro ng Bicam at naging chairman pa ay hindi nagrereklamo si Lagman sa unprogrammed funds.
“Was it because he was recently excluded from the bicameral committee that he now claims unprogrammed fund are illegal? Perhaps the Gentleman from the first district of Albay is becoming forgetful,” tila panunuya ni Co.
“Appropriations Chairman Elizaldy Co engages in personal attacks instead of squarely confronting the constitutional issues on the questionable congressional allocation of an excess of P449,450,510,000 in unprogrammed appropriations over the President’s proposal of only P281,908.056,000,” bwelta naman ni Lagman.
Sinabi ni Lagman, labag sa batas ang ginawa ng Bicam kung saan co-chairman si Co na dagdagan ang unprogrammed fund na nirekomenda ng Pangulo maliban sa programmed appropriations.
“I have not forgotten that the practice of increasing the unprogrammed appropriations was the then-prevailing errant interpretation and practice wherein the prohibition on increasing the President’s budget proposal was limited to the programmed appropriations. I have not forgotten to categorically mention this incorrect interpretation and practice in the petition,” ayon pa kay Lagman.
Unang nagkaroon ng hidwaan sa pagitan nina Lagman at mga miyembro ng AKO Bicol party-list nang isiwalat ng una ang pagpapatawag sa mga alkalde ng Albay sa isang hotel sa Legazpi, Albay na pag-aari umano ni Co para pag-usapan ang People’s Initiative na dinaluhan ng kinatawan ng partido na si Rep. Raoul Angelo Bungalo at dating Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin.
Politiko’s Initiative
Samantala, para kay Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez, hindi People’s Initiative kundi Politiko’s Initiative ang isinusulong ng maraming politiko dahil sila ang makikinabang dito at hindi ang mamamayang Pilipino.
“Sa kasalukuyan ang daming gutom at kulang yung kita para sa pamilya. Hindi pa tapos ang epekto ng pandemic sa ekonomiya. At ngayon ang inaatupag nila ay Charter change (Cha-cha),” pahayag ng dating Speaker ng Kamara.
“At ang masakit pa diyan, ginagawang uto-uto ang mga Pilipino, pinupuwersa sila mamalimos. Yung mga programa na pinondohan ng buwis, imbes na ibigay – dahil sa tao dapat yan – hindi ibibigay,” dagdag pa nito.
Hindi lingid sa lahat na ginagamit umano ang mga ayuda kapalit ng pirma ng mahihirap na Pilipino sa PI na ang layon ay amyendahan ang Saligang Batas at inililihim ito sa mga tao na isang uri aniya ng panlilinlang.
Bukod dito, binabayaran din umano ang mga tao ng P100 kapalit ng pagpirma sa PI form tulad ng isiniwalat ni Liberal Party (LP) at Albay Rep. Edcel Lagman na ginagawa ng mga politiko sa kanilang lalawigan.
“Kailangan muna pumirma diyan sa signature campaign ng kanilang PI. How can that be serving in the interest of the people? It can’t be. Itong PI na to, hindi to people’s initiative. Ito ay: self-serving politiko’s initiative,” ayon pa kay Alvarez.
Inamin ng mambabatas na kabilang siya sa nagsusulong ng Cha-cha noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at palitan ang sistema ng gobyerno mula unitary o presidential form of government sa federal form.
Gayunman, tinututulan nito ang Cha-cha ngayong panahon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil makasarili umano ito kumpara noong panahon ni Duterte.
“Iba noong panahon ni PRRD. Malinaw yung babaguhin. May draft ng Constitution, kahit sino puwede silipin, at walang itinago. May Commission: ang liderato ay si Dating Chief Justice Renato Puno. Kasama sila Atty. Reuben Canoy, Dean Julio Teehankee, Usec. Jonathan Malaya, Professor Ed Tayao, at ibang mga eksperto. May anti-political dynasty provision pa at pagbubukas ng bansa sa mga foreign investments para dumami ang trabaho ng mga Pilipino. Sincere at hindi makasarili yung (dating) effort. Ayan yung pinagkaiba sa ginagawa nila,” pahayag pa ni Alvarez.
Pinas Paurong
Habang maraming bansa ang nagsosolo at umiiwas nang umasa sa ibang nasyon para sa kanilang pag-unlad, paurong naman ang Pilipinas dahil sa planong amyendahan ang economic provisions sa Saligang Batas para magkaroon ng 100% ownership ang mga negosyante lalo na sa public services.
Ganito naman ang opinyon ni Deputy Minority Leader France Castro kaugnay ng pagkakasundo ng dalawang kapulungan ng Kongreso na amyendahan ang mga economic provision sa 1987 Constitution.
“The trend now for many countries is to become protectionists so that they can use their own resources and not be dependent on other countries,” ani Castro.
Ayon sa mambabatas, kung ang report ng IBON Foundation ang pagbabasehan, mula noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ay patuloy na tumataas ang foreign direct investment (FDI).
“The magnitude of FDI inflows increased in the 1990s and especially in the 2010s to reach US$10.5 billion in 2021. They also grew measured as a share of gross domestic product (GDP) and increased five-fold from 0.5% of GDP in the early 1970s to 2.6% in the last five years,” ani Castro.
Malinaw rin aniya na hindi ang FDI ang pangunahing kailangan para umunlad ang ekonomiya ng isang bansa kundi ang sariling industriyalisasyon na wala ngayon ang Pilipinas kaya ito aniya ang dapat asikasuhin ng gobyerno.
(BERNARD TAGUINOD)
118